5-metrong sawa nakuha sa kisame ng gusali sa Iligan

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2020 03:05 PM

ILIGAN — Nakuha ng mga awtoridad ang isang sawa na nasa 5 hanggang 6 na metro ang haba mula sa kisame ng isang commercial building sa lungsod na ito, Sabado.

Nadiskubre ang ahas makaraang makarinig ng kalabog mula sa kisame ang tenant sa ground floor.

Sinubukan ng nasa 15 katao na kuhanin ang sawa gamit ang kahong may net, pero dahil sa bigat nito, bumigay ang kisame at nahulog ang ahas, ani Giovanni Hermo, maintenance personnel ng barangay.
 
"Inaalam pa namin kung may nag-aalaga ba sa ahas o nabubuhay lamang ito sa paligid dahil marami talagang ahas na nakikita dito sa aming barangay," dagdag ni Mahayahay Barangay Chairman Joel Labandero.

Makakasuhan ng paglabag sa wildlife protection law ang mga mapapatunayan nanakit o pumatay ng hayop. Dapat na ibigay ito sa mga awtoridad, paalala ng environment office ng Iligan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.