Mungkahi sa Kenya: Walang voter's ID, walang sex

Agence France-Presse

Posted at Jan 18 2017 02:46 PM

Volunteer security person, Captain Muhammed Ali, checks voters ID cards and directs them to the correct voting classroom at the Old Kibera Primary School in Nairobi on March 4, 2013 during the nationwide elections. Georgina Goodwin, AFP

NAIROBI - Hinihimok ng isang opisyal sa Kenya ang mga kapwa niya ginang na huwag munang payagang makipagtalik ang kanilang mga mister hangga't hindi nagpaparehistro sa halalan ang mga ito.

Dagdag pa ni Mishi Mboko, miyembro ng oposisyon sa parliyamento, dapat may maipakita munang voter ID card ang mga mister bago pumayag ang mga misis na makipagtalik.

"Kababaihan, kung ang inyong mister ay hindi pa rehistrado, huwag muna kayo pumayag. Sabihan niyo silang magparehistro muna bilang botante at bumalik na lang pagtapos," sabi ni Mboko sa kanyang inang wika.

Ibinigay ng opisyal ang pahayag sa harap ng publiko sa siyudad ng Mombasa, Lunes, bago ang pagsisimula ng isang buwang kampanya upang hikayatin ang mga kababayan niya na magparehistro para sa halalan sa Agosto 8.

Naniniwala si Mboko na ang sex ay magandang motibasyon at ang dami ng magpaparehistro ay makakatulong para manalo ang oposisyon.

Tinatayang anim na milyong botante pa ang hindi nagpaparehistro para sa darating na halalan sa Kenya, at pinaniniwalaang kaya pa ng bilang na ito na makaapekto sa magiging resulta.

Noong 2009, nagkaroon ng isang linggong "sex strike" ang mga babae sa Kenya para iprotesta ang bangayan ng mga politiko sa kanilang bansa at para hikayatin ang mga ito na magkaisa.

tmc-fb/ser

© 1994-2017 Agence France-Presse