ALAMIN: Paano malalaman kung peke ang pera?

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2018 10:05 PM | Updated as of Dec 28 2018 03:32 PM

Nanawagan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maging mapanuri sa matatanggap na salapi ngayong holiday season at sa papalapit na halalan kung saan inaasahan ang paglipana ng pekeng pera. 

Sa isang abiso, ipinaalala nila sa publiko na gawin ang "feel, look and tilt" scheme para masuri kung totoo ang natanggap na salapi. 

 

Dapat magaspang ang materyal ng pera kapag hinawakan ang pera. Agad din dapat makita ang mga embossed prints, security fibers, asymmetrical serial numbers, at see-through mark sa mga ito. 

Makikita rin dapat ang mga nakatagong features at halaga ng pera kapag iniikot ito at tinitignan nang malapitan. 

Nagbabago din dapat ang kulay ng ilang bahagi ng P500 at P1,000 bill kapag tinitingnan ito nang malapitan. 

Para naman sa mga P20 at P50 bill dapat makita ang "embedded security" thread nito kapag itinapat sa ilaw. 

Papalitan ng BSP ng kaparehong halaga ang mapatunayang tunay na pera na may kakaibang feature. 

"Individuals who come across banknotes that have doubtful or unusual features are encouraged to present said notes to any BSP office," anila. 

Handa na ring makipagtulungan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa BSP para mapigilan ang pagkalat ng mga pekeng pera. 

Ani NCRPO chief Guillermo Eleazar, nais nilang matumbok ang mismong manufacturer ng mga pekeng salapi. 

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.