'Poor man's fish' no more: Bakit lumobo ang presyo ng galunggong sa merkado

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2019 04:39 PM

MAYNILA — Kung dati ay naglalaro lang sa humigit kumulang P100 ang kada kilo ng tinaguriang "poor man's fish" na galunggong, ngayon ay umaabot na ang presyo nito sa P300 sa ilang pamilihan.

Obserbasyon pa ng marami, naungusan na ng galunggong ang presyo ng mga karne ng manok at baboy.

Ito ang nagtulak sa pamahalaan para magdesisyong mag-import ng nasa 45,000 metriko toneladang galunggong mula China at Vietnam, na anila'y sagot sa patuloy na paglobo ng presyo ng naturang isda.

"Mahirap [makuha] ang galunggong, walang makuhang isda ngayon… Nagmahal pa po talaga, frozen pa po 'yan ah," hinaing ng tinderang si Helen Gomez.

"Kasi po walang mapagkukuhanan, imported po talaga ang galunggong kasi walang sariwa eh, binawal nilang manghuli sa dagat… Sabi nila kaya bawal manghuli sa dagat kasi pinapadami para pag-summer maraming nahuli," ayon naman sa isa pang tindera na si Susan Cabrera.

PALIWANAG NG PAMAHALAAN

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), natural lang daw na walang isda kapag umuulan.

Limitado din umano ang labas ng mangingisda kapag bumabagyo.

Nag-ambag pa sa kakulangan ng suplay ang pagpapatupad ng fishing ban sa Palawan na pinagmumulan ng 90 porsiyento ng galunggong sa bansa.

"Walang isda kapag may ulan, mayroon bagyo. Limitado ang labas ng mga mangingisda dahil malakas ang tubig, very dangerous sa kanila 'yon," ani BFAR Director Eduardo Gongona.

Gayunpaman, hindi naman gumagalaw ang presyo ng iba pang Pinoy staples na bangus at tilapia dahil hindi naman umano ito galing dagat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.