Singil sa tubig may dagdag sa Enero

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2019 09:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kabila ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na baguhin ang kasunduan ng gobyerno sa Maynilad at Manila Water, tuloy ang dagdag-singil sa tubig sa susunod na buwan.

Nasa P2.98 kada cubic meter ang dagdag-singil na ipatutupad ng Maynilad habang P2.84 kada cubic naman sa Manila Water.

Ayon sa ilang source sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), ang ahensiyang nangangasiwa sa mga water concessionaire, inirekomenda ni MWSS chief regulator Patrick Ty na ipagpaliban muna ang dagdag-singil pero inaprubahan pa rin ito ng board.

"Hinati-hati na nga 'yan so it's a consideration sa public para hindi biglaan 'yong increase," ani MWSS Administrator Emmanuel Salamat.

"It's beyond my control kasi part of the agreement na siya," dagdag ni Salamat.

Hindi pa kasali sa nabanggit na halaga ng dagdag-singil ang pataas ding foreign currency differential adjustment (FCDA), na papatak din sa Enero 2020.

Ang FCDA ay epekto ng palitan ng piso kontra dolyar at yen.

Balak naman kontrahin ng grupong Bagong Alyansang Makabayan ang dagdag-singil sa susunod na linggo dahil sa anila'y kuwestiyonableng kontrata at tuloy-tuloy na water interruption.

Samantala, sa lakas ng ulang dala ni bagyong Tisoy, tumaas ang water level ng Angat Dam.

Nasa 194.52 meters ang naitalang water level alas-8 ng umaga ngayong Huwebes.

Pero sa tantiya ng Maynilad ay mananatili ang rotating water interruption hanggang sa tag-init kung hindi tataasan ang kasalukuyang alokasyon galing Angat Dam.

"Sisiguraduhin namin na kung ano man 'yong nararanasan ng customers natin sa rotational water interruptions, kahit papaano, 'yon na rin 'yong mararanasan nila hanggang summer months hangga't 40 cubic meters per second ang ating allocation," ani Ronald Padua, head ng water supply operations ng Maynilad.

Tuloy din ang water interruption ng Manila Water hanggang summer at pag-aaralan ng kompanya ang diskarte sakaling bawasan pa ang alokasyon ng tubig.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.