Halos 400 empleyado ng Star City binigyan ng 'emergency employment' ng DOLE

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 05:36 PM

MAYNILA — Ilang linggo bago mag-Pasko, inanunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na bibigyan nila ng pansamantalang trabaho ang 300 empleyado ng natupok na Star City.

Sa 500 empleyadong sumailalim sa profiling, 393 sa mga ito ang bibigyan ng "emergency employment" ng DOLE sa ilalim ng kanilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program. 

Sa ilalim ng TUPAD program, bibigyan ng trabaho sa loob ng 10 hanggang 30 araw ang mga kuwalipikadong manggagawa. 

Ayon sa DOLE, maglalaan sila ng P4.8 milyon para dito.

Noong Huwebes ay sumailalim na sa orientation ang mga napiling empleyado at naendorso na rin sila sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno na kanilang maaaring pasukan sa Pasay City. 

Oktubre nang masunog ang malaking bahagi ng tanyag na amusement park, dahilan para mawalan ng hanapbuhay ang mga empleyado doon.

Nauna nang sinabi ng pamunuan ng Star City na posible silang magbukas sa Kapaskuhan kung kailan dagsa ang mga parokyano, pero tila hindi na ito matutuloy. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.