'Mahal na petrolyo sa Metro Manila, dapat imbestigahan'

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2018 08:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa halip na murang petrolyo sa Bulacan, mas dapat imbestigahan ng Department of Energy (DOE) ang umano ay nananatiling mahal na langis sa Metro Manila, sabi ng isang consumer group.

"Ang abnormal po ay ang Department of Energy. Hindi nila ginagawa ang trabaho nila, 'yan po ang malinaw," ani RJ Javellana, pangulo ng grupong United Filipino Consumers and Commuters (UFCC).

Binitiwan ni Javellana ang pahayag sa gitna ng imbestigasyon ng DOE sa petrolyong ibinebenta sa ilang gasolinahan sa Bulacan, na mas mura kung ikukumpara ang presyo ng petrolyo sa Metro Manila.

Ininspeksiyon noong Huwebes ng mga tauhan ng DOE ang ilang gasolinahan sa Bulacan para matiyak ang timbang at kalidad ng ibinebentang murang petrolyo. 

Sa initial results ng pagsusuri, pasok sa patakaran ang price board at tama ang timbang ng produkto petrolyo. 

Subalit hindi nailalabas ang pagsusuri sa kalidad ng petrolyo.

"Finorward namin 'yong sample for test sa aming laboratory.... Doon natin makikita this time 'yong product quality," sabi ni Rino Abad, direktor ng Oil Industry Management Bureau sa ilalim ng DOE.

Pero kahit wala pang resulta sa pagsusuri ng kalidad ng petrolyo, kampante pa rin ang mga nagpapakarga ng murang diesel.

"Tiwala naman kasi may pangalan sila (gasolinahan)," anang motoristang si Patrick Gonzales.

Samantala, sisimulan naman sa Martes, Disyembre 4, ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagdinig sa petisyong hinain ng UFCC, na layong ibalik sa P8 ang minimum na pasahe sa mga jeep mula sa kasalukuyang P10.

Una nang sinabi ng mga transport group na handa silang ibaba ang pasahe sa oras na bumaba ang diesel sa P38 hanggang P39 kada litro.

Sa nagdaang pitong linggo, nasa P10.05 hanggang P10.20 na ang ibinaba ng presyo ng gasolina habang P8.35 hanggang P8.45 naman sa diesel.

Inaasahang magtutuloy pa ang serye ng mga bawas-presyo sa petrolyo hanggang Disyembre dahil sa patuloy na pagmura ng krudo sa pandaigdigang merkado. 

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.