Pagkuwenta sa bill deposit na sinisingil ng Meralco, hirit ng grupo

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2018 07:33 PM | Updated as of Sep 30 2019 03:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Humihirit ang isang grupo na i-audit ang bill deposit na sinisingil ng Manila Electric Company (Meralco) sa mahigit 6.5 milyon nilang customer dahil "mas kaunti" ang naibabalik na deposito sa customer kaysa sa kinikita ng kompanya. 

Ang bill deposit ay obligadong bayaran ng mga customer ng Meralco at nagsisibing "stock fund" nila kapag may panahong hindi nakakabayad ng kuryente. 

Nakahalo sa pondo o "general fund" ng Meralco ang bill deposit ng kanilang customer at ang interes na nalilikom ay nakabase sa "savings" deposit ng bangko.

Sa pag-aaral ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), aabot sa P1 bilyon kada taon ang kinkitang interes ng Meralco sa deposit, kahit na 0.05 porsiyentong interes lamang ang naibabalik sa customer. 

Nitong Marso 2018, umabot na sa mahigit P43 bilyon ang nakolektang bill deposit pero nasa P30 billion na ang nai-refund at nasa mahigit P17 billion ang naiwan sa kaban ng Meralco. 

Giit ni BAYAN secretary-general Renato Reyes, "mas lugi" pa umano ang ibinalik na refund sa customer kaysa sa kinita ng kompanya. 

"Sa 2018 pa lang tinatantiya namin na mahigit P1 billion ang interest earnings mula sa customer deposit. Ang ibabalik ay wala pang 1 percent, di ba unfair 'yun?" aniya. 

"Ang tingin namin mas malaki ang kinita nila kaysa sa ibinalik nila sa customer, malaking bagay 'yan sa customer para mapababa [ang] customer bills," dagdag niya. 

Ihinihirit din ng grupo na dagdagan ang interes sa bill deposit. 

Pero bumuwelta si Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga sa mga paratang at nanindigang wala namang nakasaad sa mga patakaran ng Energy Regulatory Commission na dapat magbukas ng hiwalay na account para sa bill deposit. 

Giit niyang kayang ibigay ng Meralco ang bill deposit sa customer at taunan ang kanilang pagkukuwenta.

"The (audit) report is given to our stakeholders, open naman yung information na iyan," aniya. 

Ayon kay Energy Regulatory Commission spokesperson Rexie Baldo Digal, pag-aaralan nila ang hirit ng BAYAN. 

Magugunitang hinihirit ng ERC ang dagdag-interes na 6 porsiyento at gawing "mas madali" ang pag-refund sa bilyon-bilyong pisong sinisingil sa bill deposit sa kuryente ng lahat ng konsumer sa buong bansa.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.