Pagdami ng mga manggagawang Tsino sa bansa, dapat bang ikabahala?

ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2018 07:27 PM | Updated as of Sep 01 2019 04:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nitong Nobyembre ay lumabas ang pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre kung saan naitalang may 9.8 milyong Pinoy o 22 porsiyento ng populasyon ang walang trabaho. 

Kaya naman marami ang umaasa sa mga ulat ng kasunduan ng Pilipinas sa iba't ibang bansa sa ilalim ng "Build Build Build" program na umano'y lilikha ng maraming trabaho. 

Pero sa maraming proyektong popondohan ng bansang China, mga kapwa-Tsino nga lang ba nila ang makikinabang sa mga hanapbuhay na ito?

Dahil sa pangamba, iginiit ng gobyerno na hindi mauubusan ng trabaho ang mga Pilipino.

"Merong mga Chinese engineers, specialists lalo na sa bridge projects. Meron talagang Chinese technologists dahil magaling din sila sa bridges. Pero mostly, karamihan ng mga worker ay local resource natin," depensa ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar.

Sa website ng Build Build Build ay 10,000 trabaho pa ang inaalok, mula sa mga laborer, accountant, arkitekto, at iba pa.

Watch more in iWant or TFC.tv

'NAKABABAHALANG' BUGSO NG TSINO?

Ayon naman sa Department of Labor and Employment (DOLE), simula 2015 ay 51,980 alien employment permits na ang naibigay sa mga dayuhan at 15,000 dito ay para sa Chinese nationals.

"We agree with the observation that there may be more of them in the country... Pero ang binibigyan lang namin ng permit to work ay 'yung magtatrabaho ng isang klaseng trabaho na hindi kaya ng Pilipino. Pag may Pilipino na kayang gawin 'yung trabaho, hindi namin ibibigay 'yung alien employment permit," paliwanag ni DOLE Secretary Silvestre Bello.

Ayon sa isang ekonomista, kailangan bantayan ang pagdami ng mga Chinese worker sa bansa. 

"Merong nakikitang negative implications 'yung pagdami ng mga Chinese worker sa ating bansa. Bagaman nakatutulong sila sa output natin, kailangan nating isipin na marami tayong kabataan na naghahanap ng trabaho," paliwanag ni Ateneo School of Government Dean Ronald Mendoza. 
    
Kaya naman ayon sa DOLE, nagsasagawa sila ngayon ng monitoring at mahigpit na pagbabantay sa mga dayuhan na nagtatrabaho sa bansa. 

"I ordered to account for all those who were given permit and check again kung ano ang ginagawa nila," ani Bello. 

Nasa bansa ngayon si Chinese President Xi Jinping para sa dalawang araw na state visit kung saan inaasahan ang paglagda niya sa ilan pang mga kasunduan.

—Ulat nina Jacque Manabat at Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.