Pagtaas sa presyo ng bigas, isinisi sa 'middlemen'

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 08:08 PM

Wala umanong dahilan upang magkaroon ng pagtaas sa presyo ng bigas lalo na't may sapat na suplay nito, giit ni Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel "Manny" Piñol.

Ito'y matapos iulat ng Philippine Statistics Authority ang kanilang na-monitor na pabago-bagong presyo ng bigas sa National Capital Region (NCR) at iba pang lugar sa bansa. 

Hinala ni Piñol, middlemen o yung mga bumibili ng palay mismo sa mga magsasaka ang may sala kung bakit nagkaroon ng pagbabago sa presyo.

"It's a flawed marketing system that we have in the country that farmers don't have access to the market and they have to go through layers and layers of middlemen who actually control the pricing. That is what we are trying to address right now," paliwanag ni Piñol.

Dagdag ni Piñol, tumaas pa nga ang local production ng palay sa 95.1% ng total national requirement, kumpara sa 89% noong nakaraang taon kaya't nakapagtataka ang naging galaw sa presyo ng bigas.

Kuwento ng isang may-ari ng bigasan na si Zenaida Cunanan, napansin niya noong nakaraang buwan na nagmahal nang kaunti ang bigas na kinuha niya sa kaniyang supplier. 

"Basta naramdaman na lang namin 'yung supplier namin tumaas. P20-P30 ang tinaas bawat sako," ani Cunanan.

Pero ang ginang, hindi na ipinataw ang dagdag sa mga mamimili dahil 50¢ lang naman kada kilo ang naging diperensiya.

Balak ni Piñol na palakasin ang kakayahan ng mga magsasaka para mabawasan ang pag-aasa nila sa middlemen sa pagbebenta ng kanilang mga ani.

--Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.