Tapyas sa pasahe, presyo ng bilihin, iginiit dahil sa pagmura ng petrolyo

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2018 01:41 PM | Updated as of Nov 13 2018 07:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumakas pa ang panawagan ng ilang grupo nitong Martes na maibaba ang presyo ng pasahe at mga bilihin kasunod ng pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo sa ikalimang sunod-sunod na linggo. 

Naghain ang United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Lunes ng petisyong ibalik sa P8 ang pasahe mula sa kapapasa lamang na P10 minimum fare sa jeep dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. 

"Nais po naming ibalik sa P8... Alam naman po natin na bumubuti na po ang kalagayan sa pandaigdigang pamilihan ng petrolyo," ani UFCC president RJ Javellana sa DZMM nitong Martes. 

Sa ilalim ng petisyon, kinatuwiran ng grupo ang pagsuspende sa nakatakdang dagdag-buwis sa langis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, at ang pahayag ng Transportation department na huwag na munang ituloy ang fare hike bilang mga dahilan para sa bawas-pasahe.

Ayon naman kay Laban Konsyumer president Vic Dimagiba, dapat puwersahin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga negosyante na bawasan ang presyo ng kanilang mga produkto kasunod ng rollback. 

Batay sa kaniyang tantiya, nasa 10 hanggang 13 porsiyento ang natitipid ng mga negosyante sa delivery ng kanilang mga produkto nang magsimula ang mga bawas sa presyo ng langis. 

Sabay-sabay nagtapyas ang mga kompanya ng langis ng presyo -- P2.30 kada litro ng gasolina, P2 kada litro ng diesel, at P1.85 kada litro ng kerosene -- nitong Martes. Ito na ang pinakamalaking halaga ng bawas sa presyo ng produktong petrolyo sa loob ng limang linggo. 

Nagkaroon naman ang mga kompanyang Phoenix Petroleum at PetroGazz ng P2.50 kada litrong bawas sa presyo ng kanilang gasolina, at bawas na P2 kada litro sa diesel.

Pero kontra ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) at Pasang Masda sa hirit ng tapyas-pasahe.

Giit ni Pasang Masda president Obet Martin na hindi pa nababawi ng mga tsuper ang ikinalugi nila noong nagkaroon ng siyam na linggong sunod-sunod na oil price hike.

Paliwanag naman ni FEJODAP president Zeny Maranan, matagal na ang hirit nilang dagdag-pasahe pero ngayon lang napagbigyan. 

Dagdag niya na may mga tsuper pa ring hindi pa nakikinabang sa dagdag-pasahe dahil hindi pa sila nakakakuha ng fare matrix. 

Pero magiging bukas na ang mga transport group sa hirit na fare rollback kung ibabalik na sa P39 kada litro ang presyo ng krudo. 

Paliwanag naman ni Philippine Amalgamated Supermarkets Association president Steven Cua, hindi madaling ibaba ang presyo ng kanilang paninda dahil marami pa silang stock na nakaimbak na nabili nang mas mahal. 

Mula nitong Martes naglalaro na sa P7.70 hanggang P7.80 ang halaga ng tinatapyas sa presyo ng gasolina, P5.05 kada litro hanggang P5.15 kada litro sa diesel, at P4.25 kada litro sa kerosene.

Sa isang pahayag nangako ang LTFRB na diringgin ang mga petisyon at pag-aaralan kung may basehan ang hirit na bawas-pasahe. 

-- May ulat ni April Rafales at Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.