Pagbawi ng fare hike, ihinihirit matapos ang 3 linggong rollback sa langis

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2018 12:40 PM | Updated as of Feb 03 2020 03:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bagama't magsisimula na ang taas-pasahe sa Biyernes, nais pag-aralan ng ilang opisyal ang pagbawi nito matapos ang sunod-sunod na rollback sa presyo ng langis.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Mark de Leon, posibleng repasuhin ang ibinigay na dagdag-pasahe sa jeep at bus na ipatutupad na simula Nobyembre 2.

Kapag wala nang nakitang dahilan para sa dagdag-singil, posibleng amyendahan ng ahensiya ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Bumabaybay ang ilang jeep patungong Commonwealth Ave. Kuha ni Mark Demayo, ABS-CBN News

Ayon naman kay Transportation secretary Arthur Tugade, dapat gumamit ng formula ang LTFRB na magiging basehan ng pagpataw ng fare hike, gaya ng ginagamit sa mga paliparan.

“Ang presyo ng gasoline, 'pag tumaas per barrel, or 'yung consumer price index tumaas per barrel, magtaas ka at a certain amount. 'Pag bumaba, automatic ibaba mo rin. 'Pag hindi ka sumunod, may penalty,” aniya. 

Simula Biyernes ay P10 na ang minimum fare sa jeep at may P1 dagdag-pasahe rin sa bus.

Tatlong sunod-sunod na linggong rollback sa langis ang naitala nitong Oktubre. 

Pero paalala ng DOTr na bawal munang maningil ng dagdag-pasahe hangga't hindi pa nakakabayad ng Certificate of Public Convenience at nakakakuha ng fare matrix sa mismong tanggapan ng LTFRB.
 
Pagmumultahin din ng LTFRB ang magsisingil ng dagdag-pasahe nang walang fare matrix. 

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.