'Saan aabot 'yan?': Nabalitaang P25 umento sa sahod inalmahan

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2018 08:42 PM

Labor group, balak uling humingi ng umento sa sahod

Watch more in iWant or TFC.tv

Dismayado ang grupo ng mga manggagawa matapos mabalitaang P25 lang ang inaprubahang umento sa sahod ng mga minimum wage worker sa Metro Manila, mas maliit sa P334 na kanilang inihirit.

Sinabi ng grupong Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na P25 ang pinayagang dagdag-sahod ng wage board sa National Capital Region.

Ganito rin ang nakarating na ulat sa grupo ng mga employer na Employers Confederation of the Philippines (ECOP).

"Saan aabot 'yang P25 na 'yan?" ani ALU-TUCP vice president Louie Corral.

"Mukhang wala silang konsensiya dito sa issue ng survival ng manggagawang Pilipino," sabi ni Corral.

Dagdag pa ng ALU-TUCP, lalo pang iigting ang tensiyon sa pagitan ng mga manggagawa at employer dahil bitin ang umento.

 DI PA KUMPIRMADO

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, wala pa siyang kopya ng wage order kaya hindi pa niya makumpirma kung P25 nga ba ang pinayagang umento.

Ayon pa kay Bello, ano man ang desisyon, tiwala siyang naging patas ang wage board.

"They took into account 'yong inflation rate, 'yong value of the peso now," sabi ni Bello.

Sakaling kumpirmado ang P25 umento, magiging P537 ang sahod kada araw ng isang minimum wage worker sa NCR.

Balak naman ng ALU-TUCP na maghain ng panibagong petisyon para sa umento sa sahod sa Enero.

Ayon kay Bello, hindi niya pipigilan ang labor groups na maghain ulit ng petisyon.

Subalit hindi raw ito puwedeng dinggin maliban na lang kung magdeklara ng supervening conditions o kakaibang pagtaas sa presyo ng bilihin.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.