Labor group, umalma sa nabalitaang P20 umento

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2018 05:52 PM | Updated as of Nov 05 2019 02:34 PM

Mga negosyante, itinangging sa kanila galing ang panukalang P20 dagdag sa minimum wage 

Watch more in iWant or TFC.tv

Inalmahan ngayong Huwebes ng grupo ng mga manggagawa ang ipinanukala umano ng grupo ng mga negosyante na P20 umento sa sahod ng mga minimum wage worker sa Metro Manila.

Sa panayam ng DZMM kay Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) spokesperson Alan Tanjusay, sinabi nitong nakakainsulto para sa mga manggagawa ang alok na P20 na umento sa sahod, lalo at humina na raw ang purchasing power o kayang bilhin sa sahod ng mga manggagawa dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

"Medyo demeaning 'yung ino-offer ng ECOP (Employers Confederation of the Philippines) dahil alam naman natin 'yang mga negosyante na 'yan, matagal na silang kumikita," ani Tanjusay.

Ayon kay Tanjusay, nananakot lang ang mga negosyante sa pagsabing maaaring magsara ang kanilang mga negosyo sa oras na itaas ang sahod.

Dagdag pa ni Tanjusay, nasa kamay ng mga negosyante ang bola para magkaroon ng katanggap-tanggap na dagdag-sahod.

"All throughout these years, sagad na sagad at bigay nang bigay ang mga manggagawa ng kanilang productivity, tumataas ang productivity," ani Tanjusay.

"'Yong mga manggagawa na tumulong para umunlad, para umunlad 'yong negosyo, para umunlad 'yong bansa natin, hindi sila umaasenso, lalo silang naghihirap. So doon kami nanggagaling."

Kasalukuyang nasa P512 ang minimum wage para sa mga manggagawa sa National Capital Region.

Nasa P334 naman ang inihirit na umento ng ALU-TUCP sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR.

Pero nilinaw ng ECOP na wala pa silang iniaalok na umento sa sahod ng mga minimum wage worker sa Metro Manila.

Ayon kay ECOP acting president Sergio Ortiz-Luis, hindi sa kanila galing ang panukalang P20 na umento.

Tiniyak din ni Ortiz-Luis na rerespetuhin nila ang ano mang mapagkasunduan ukol sa isyu ng dagdag-sahod ng mga manggagawa.

"Wala kaming ino-offer. Si Secretary [Silvestre Bello III] po ang nagsabi nu'ng P20 na iyon. Nag-meeting kami, napag-usapan namin, kung ano mang kalabasan ng Tripartite ay rerespetuhin namin," ani Ortiz-Luis.

Nakatakdang magpulong at magdebate ang mga manggagawa at negosyante ukol sa halaga ng minimum wage hike sa Biyernes, para sa ikatlo at huling konsultasyon ng National Wages and Productivity Commission.


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.