Presyo ng karneng baboy umabot sa P240 kada kilo sa palengke

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 04:33 PM | Updated as of Oct 24 2019 07:03 PM

Nag-inspeksiyon ngayong Huwebes, Oktubre 24, 2019, ang Department of Trade and Industry sa isang palengke sa Maynila para matiyak na patas ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Kuha ni George Calvelo, ABS-CBN News

Sumipa sa P240 ang presyo ng kada kilo ng baboy sa isang palengke sa Maynila, mas mataas umano sa dapat nitong presyo.

Sa pag-iikot ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Pritil Public Market, nalamang naglalaro sa P240 hanggang P260 ang tinda sa kada kilo ng baboy.

Mula P175 hanggang P190 lang dapat ang presyo ng kada kilo ng baboy, na may farm-gate price na P95, ayon sa DTI.

"Masyadong disadvantageous sa consumers. Mas malaki ang patong," ani Trade Undersecretary Ruth Castelo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanawagan si Castelo sa pamahalaang lokal na tumulong para maibaba ang presyo ng baboy.

"Hindi nakakatuwa na masyado silang nananamantala sa consumers," aniya.

Ayon naman sa mga nagtitinda ng baboy sa palengke ay mataas ang bigay ng supplier kaya hindi nila mapababa ang presyo.

Nanawagan din ang Pork Producers Federation of the Philippines, isang samahan ng pork producers, sa mga supplier at nagbebenta ng baboy na huwag itaas ang presyo, lalo at matumal ngayon ang bentahan dahil sa pangamba sa African swine fever.

Sa pag-iikot ng DTI, wala namang nakitang paggalaw sa presyo ng manok, na nasa P165 hanggang P180 kada kilo pa rin.

Wala rin umanong paggalaw sa presyo ng bigas.

Higit 120 kilo ng manok na nagkakahalagang P21,000 naman ang kinumpiska ng National Meat Inspection Service sa Pritil Public Market dahil sa kawalan umano ng certificate.

Pasok naman sa suggested retail price ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa isang supermarket sa Tondo, kasama ang mga kandila, na mabenta habang papalapit na ang Undas.

-- Ulat nina Bianca Dava at Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.