'Hindi napapanahon': Mga employer, pumalag sa hirit na wage hike

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 07:30 PM | Updated as of Oct 25 2018 12:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umalma ang ilang employer sa pinapanukalang dagdag sa minimum wage ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) dahil maaaring makaapekto ito sa mga presyo ng kanilang mga serbisyo at produkto. 

Ayon kay Jesus Gabriel Domingo ng Confederation of Garments Exporters of the Philippines, bukod sa pagtataas sa sahod ng mga empleyado, dehado umano sila sa dagdag-presyo ng mga bilihin na dala ng excise tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. 

"Because of these challenges, our investors are slowly pulling out from our country... If there will be an increase of the minimum wage that will be an additional burden on the part of the exporters," aniya sa labor consultation ng NCR. 

Kuwento ng may-ari ng patahian ng uniporme na si Fermin Orosa, tumaas ang presyo ng kanilang mga raw materials dahil ine-export pa nila ang mga ito. 

Babala ni Ernie Cecilia, Human Capital and Resources chairman ng American Chamber of Commerce, posible ang inflationary effect o muling pag-akyat ng presyo dahil mapipilitan rin silang magpatong pa sa kanilang mga produkto at serbisyo para makarekober ang kanilang negosyo. 

"Tuwing po nagiging mabait ang gobyerno at nagbibigay sa manggagawa hindi naman po galing sa bulsa nila 'yung ipinamimigay nila eh, galing po 'yan sa mga employers," aniya. 

Para sa mga maliliit na business owner gaya ni Orosa, mabigat na ang P20 na umento. Kung maipilit aniya ang wage increase, mapipilitan silang magtipid sa materyales at mag-layoff sa 60 niyang manggagawa ngayon. 

Itinanggi naman ng NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB-NCR) na may napagkasunduan nang umento na P20. 

Pumalag naman ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) dahil sadyang nakakagalit ito umano para sa mga manggagawa. 

"This statement is inciting upheaval among workers mostly in slum areas who helped build business and (the) country economy grow but are being treated unjustly," anila sa isang pahayag. 

Nakatakdang magharap sa Biyernes ang mga kinatawan ng employers at labor group para sa huling konsultasyon ng wage board. -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.