Dagdag sa Pantawid Pasada ng mga tsuper, posibleng tapyasan

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 05:18 PM | Updated as of Sep 16 2019 12:03 PM

Ang Pantawid Pasada Program card ang ayudang ipinamamahagi ng gobyerno sa mga tsuper ng jeep para makaagapay ang mga ito sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Mark Demayo, ABS-CBN News

Nagbabadyang matapyasan ang nakatakda sanang mas mataas na matatanggap na tulong ng mga tsuper at operator ng jeepney mula sa gobyerno sa susunod na taon sa oras na suspendehin ang dagdag sa excise tax o buwis sa langis.

Balak sana ng gobyerno na itaas sa susunod na taon ang halaga ng ayudang natatanggap ng mga tsuper sa ilalim ng programang Pantawid Pasada. Mula P5,000, gagawin sana itong P20,000 kada benepisyado.

Pero posibleng mangalahati ito at maging P10,000 kung sa buong 2019 ay mawawala ang dagdag na excise tax, sabi ngayong Miyerkoles ni Finance Assistant Secretary Tony Lambino.

Watch more in iWant or TFC.tv

"'Yong disenyo ng Pantawid Pasada program ay para i-offset 'yong excise. It's for the excise, it's not for the increase in our international oil imports," ani Lambino.

"Kaya po dahil excise po iyong isu-suspend, 'yong pag-adjust ng amount ng Pantawid Pasada ay aligned po doon sa layunin ng program," dagdag ni Lambino.

Watch more in iWant or TFC.tv

Inanunsiyo nitong buwan ng Department of Finance (DOF) at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia ang pagsuspende sa P2 dagdag sa excise tax sa diesel at gasolina, na nakatakda sana sa Enero ng susunod na taon. 

Samantala, kumpiyansa naman si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III na kahit hindi na umabot sa P20,000 ang ayuda, matutuwa pa rin ang mga tsuper sa ibibigay na tulong ng gobyerno.

"Tuwang-tuwa po sila sa P5,000 na naibigay... So I'm sure they would also be just as happy and proudly happier doon sa dagdag pa na ibibigay for next year," ani Delgra.

Inamin ni Delgra na 40 porsiyento pa lang ng mga benepisyado ng Pantawid Pasada program ang nabibigyan ng fuel cards dahil nagkaaberya raw sa panig ng Landbank, na siyang katuwang ng gobyerno sa programa.

Sumampa sa 6.7 porsiyento ang inflation rate noong Setyembre, ang pinakamataas na naitalang antas ng pagtataas ng mga presyo ng mga bilihin at serbisyo sa nakalipas na siyam na taon. 

--Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.