'Dagdag-singil sa tubig dapat ibalik dahil sa water interruption'

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2019 05:33 PM | Updated as of Oct 23 2019 06:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Gusto ng grupong Bayan Muna na ibalik ng Maynilad at Manila Water sa kanilang mga kostumer ang lahat ng dagdag-singil sa tubig dahil sa patuloy na pagkaantala sa serbisyo ng tubig.

Ipinagtataka ni Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares kung bakit kulang pa rin ang suplay ng tubig gayong kada taon naman ay nagtataas ang singil dito.

Dapat din daw i-audit ng Commission on Audit ang mga water concessionaire para malaman kung bakit hindi nagagawa ang mga proyekto na dapat ay makasisiguro ng sapat na suplay para sa mga kostumer.

Ayon naman sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System-Regulatory Office, na nangangasiwa sa mga concessionaire, pag-aaralan nila ang mga panukala ng Bayan Muna.

Magpapatupad simula gabi ng Huwebes ang mga water concessionaire ng rotational water interruption para matipid umano ang tubig sa Angat Dam, na pangunahing pinagkukuhanan ng tubig ng Metro Manila.

Makikita sa social media pages ng Maynilad at Manila Water ang schedule ng water interruption, na makakaapekto sa 14 milyon kostumer.

Kasunod ng anunsiyo na magkaka-water interruption, naghanda agad ang mga kostumer ng 2 concessionaire.

Ang iba sa mga kostumer ay nagpuno agad ng mga drum, batya at iba pang puwedeng pag-ipunan ng tubig.

Ngayong Miyerkoles, naitala ang 186.23 metrong antas ng tubig sa Angat Dam, mababa nang kaunti sa 186.46 metro na naitala noong Martes.

Nilinaw naman ni Sevillo David Jr., executive director ng National Water Resources Board, na normal pa ang antas ng tubig sa Angat Dam at wala pang krisis.

Kailangan lang umanong tipirin ang laman ng dam para may magamit sa susunod na taon, lalo na sa mga buwang matumal ang ulan.

Ayon kay David, kapag bumaba nang 180 metro ang antas ng tubig ay posibleng bawasan pa ang tubig mula sa dam na laan para sa mga water concessionaire.

Mula sa normal na 46 cubic meters per second, nasa 40 cubic meters per second ang kasalukuyang laan na tubig para sa mga concessionaire. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.