Inflation sa Pinas, dama ng mga OFW sa Taiwan

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 08:32 PM | Updated as of Sep 16 2019 01:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umaaaray ang ilang overseas Filipino worker (OFW) sa Taiwan dahil kulang na minsan ang napapadalang pera sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas dulot ng pagtaas-presyo ng ilang bilihin.

Kung noon, sapat ang kanilang sahod sa kanilang personal na gastusin at padala sa pamilya, naghihigpit na sila ng sinturon para matustusan ng kanilang mag kamag-anak sa Pilipinas ang taas-presyo sa mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, pamasahe, at gas. 

Tinitipid ni Jun Ragub ang kaniyang kinakain para may maipadalang pera sa kaniyang pamilya sa Pilipinas. "Yung noodles, ang grupo nag- aambag kung ilan kayo, anim o walo, nag-ambagan kami. Pagsasaluhan namin," aniya. 

Nagbabawas naman si Alona Gino-U ng kaniyang personal na allowance para may maipadalang pera sa kaniyang pamilya sa Pilipinas. 

“Higpit sinturon na lang talaga. Yung allowance bawasan para may maibigay sa kanila kasi sa 'kin makita lang silang masaya okay na,” aniya. 

Hindi mapigilang malungkot ni Gino-U dahil bagama't tumataas ang presyo ng bilihin sa Pilipinas, hindi tumataas ang kanilang sahod sa ibang bansa. 

Tinutulungan pa rin ni Mayet Wang ang mga magulang at kapatid sa Pilipinas sa mga usaping pinansiyal kahit na nakapag-asawa na siya’t nakapagtayo ng kainan sa Taiwan. 

Kuwento niya, kung dating sapat na ang P10,000, kulang pa ngayon ang P30,000 na padala sa mga kamag-anak na naiwan sa Pilipinas. 

Nitong Setyembre, pumalo sa 6.7 porsiyento ang inflation rate ng bansa, na pinakamataas sa loob ng halos isang dekada. 

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.