Presyo ng specialty bread, posibleng tumaas sa Pasko

ABS-CBN News

Posted at Oct 21 2018 07:17 PM | Updated as of Sep 24 2019 03:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng tumaas ang presyo ng ilang specialty bread sakaling lumaki ang demand o pangangailangan para rito sa Pasko, sabi nitong Linggo ng isang samahan ng mga panadero.

Ayon sa Filipino-Chinese Bakery Association, hindi raw maihahalintulad ang specialty bread sa Pinoy tasty, o sliced bread, at Pinoy pandesal -- na sinisikap ipako ng mga manufacturer sa kasalukuyang nitong mga presyo hanggang matapos ang taon -- dahil ang mga ito ay mga pangmasang tinapay.

Nakabatay raw kasi talaga ang presyo ng specialty bread sa demand, at kadalasan ay mataas ang demand para rito tuwing holiday season.

"Tumataas 'yong mga, like 'yong mga artisan bread, specialty bread like croissant... Those are medyo high-end bread that the price is more or less, flexible," sabi ni Peter Fung, pangulo ng Filipino-Chinese Bakery Association.

Nanawagan naman ang isang samahan ng mga community baker o maliliit na panadero ng suporta mula sa pamahalaan at mga manufacturer ng raw materials gaya ng flour millers.

Hindi raw nila matiyak na hindi magtataas ang presyo ng kanilang mga tinda dahil sa nagtataasang presyo ng mga bilihin.

"Lalo na po iyong maliliit, kung sila po ay may kagustuhan na galawin ang kanilang presyo, hindi po natin sila kayang pigilin," ani Chito Chavez ng Philippine Federation of Bakers.

"Kinakailangan din po natin protektahan ang interes ng mga gumagawa nito," dagdag ni Chavez.

Ayon sa mga panadero, makatutulong sa kanila ang pagbaba ng presyo ng mga sangkap sa paggawa ng tinapay gaya ng asukal at harina.

Hati naman ang opinyon ng mga mamimili sa isyu ng pagtaas ng presyo ng tinapay.

"Malaking epekto sa 'min, lalo na sa amin na mga nagtatrabaho lang na hindi naman tumataas ang suweldo," ani Ofelia Afable.

"Kung talagang nalulugi sila, bakit hindi [taasan ang presyo]?" ani Jun Jun Balbido.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.