Manufacturers binalaan matapos humirit ng taas-presyo sa Noche Buena items

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2019 07:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kasunod ng hirit ng ilang manufacturers na gusto nilang magtaas-presyo sa Noche Buena products, nagbabala ang grupo ng supermarkets na posibleng makasama pa ito sa negosyo.

Ayon kay Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarket Association, maaaring mas piliin ng mga konsumer ang ibang brands na ipapako ang presyo ng kanilang produkto.

"Dapag mag-ingat ang manufacturers sa pagtaas-presyo. Dahil kapag nagtaas sila ng presyo, at ang kalaban nila, same category, hindi nagtaas, matatalo din ang benta nila," ani Cua.

Nauna nang sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na lumapit sa kanila ang ilang manufacturer para humiling ng taas-presyo sa Noche Buena products tulad ng hamon, fruit cocktail, canned meat, tomato sauce, spaghetti, elbow macaroni, at quezo de bola.

Tinatayang nasa 2 hanggang 29 porsiyento ang hinihiling na taas-presyo ng mga manufacturer.

Nasa P109 ang gustong taas-presyo ng isang manufacturer sa hamon dahil daw sa pagmahal ng raw materials at epekto ng pagpasok ng African swine fever.

Wala pang naaprubahan sa ngayon na taas-presyo, ayon sa DTI.

Noon na ring nanawagan si Trade Undersecretary Ruth Castelo sa mga brands na huwag pagsabay-sabayin ng mga brands ang taas-presyo sa kanilang mga produkto.

Payo ni Cua, suriin ang iba-ibang brands para makahanap ng dekalidad at abot-kayang presyo na produkto.

Maaari rin aniyang maghanap ng promo packs at discount na nauuso naman tuwing Pasko.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.