SRP sa bigas, balak ipatupad simula Martes

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2018 05:33 PM | Updated as of Oct 18 2018 08:30 PM

Isang tindahan ng bigas at itlog sa Parañaque City. Erik De Castro, Reuters

Nagkasundo na ang Department of Agriculture (DA) at stakeholders ukol sa halaga ng suggested retail price (SRP) na ipapataw sa bigas, na balak ipatupad sa susunod na linggo. 

Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel "Manny" Piñol, P39 pababa ang napagkasunduang SRP sa regular-milled rice habang P44 pababa naman sa well-milled rice. 

Patuloy pang pag-uusapan ang SRP ng premium rice. 

Sa imported rice naman, ani Piñol, nasa P40 pababa ang SRP ng bigas na 5 porsiyentong broken ang kalidad, at P37 pababa naman sa bigas na 25 porsiyentong broken.

Watch more in iWant or TFC.tv

Target ipatupad ang SRP simula Martes, Oktubre 23.

Kasama ng DA sa pagtalakay ng SRP nitong Huwebes ang mga magsasaka, rice traders, millers at retailers.

Pero nilinaw ni Piñol na hindi permanente ang nasabing SRP, at gagalaw umano ang presyo ng imported rice depende sa pandaigdigang merkado.

Nakadepende naman daw sa farm gate price ang presyo ng lokal na bigas.

Dagdag pa ni Piñol, ang mga bigas gaya ng "Sinandomeng," "Angelica," at "Dinorado" ay tatawagin nang special rice.

Pabor ang mga retailer na magkaroon ng SRP para hindi manamantala ang iba sa pagtaas ng presyo ng bigas.

"Mas maganda 'yong SRP kasi para 'di mapagsamantala 'yong iba na itaas 'yong bigas," sabi ni Lucila Damasco, pangulo ng Grain Retailers Confederation of the Philippines-National Capital Region (GRECON-NCR).

Nagbabala rin ang DA at Department of Trade and Industry na posibleng maharap sa parusang kulong na hindi lalagpas ng isang taon at multang P2 milyon ang mga mahuhuling hindi sumusunod sa SRP.

--Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.