Pay hike itinulak para matugunan ang kailangang construction workers

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2017 04:57 PM | Updated as of Oct 16 2017 11:43 PM

Mahigit 2 milyong karagdagang manggagawa ang kinakailangan sa industriya ng konstruksiyon upang matugunan ang dami ng impraestrakturang ipanapanukala sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang ibinahagi ni Ruth Castelo, undersecretary ng Department of Trade and Industry (DTI), sa programang "Market Edge" ng ANC.

Ayon kay Castelo, bunga ng programang "Build, Build, Build" ng pamahalaan ang karagdagang trabaho para sa mga construction worker o manggagawa sa konstruksiyon.

Nasa 3.3 milyon umano ang kasalukuyang bilang ng mga construction worker sa bansa subalit nangangailangan pa ng karagdagang 2.5 milyon manggagawa.

Pero inaasahan din umano ang pagliit ng bilang ng mga kakailanganing construction worker kapag nakumpleto na ang mga proyekto.

Bukod sa mga lokal na manggagawa, hinihikayat din ng DTI ang mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa na bumalik upang magsanay na lamang sa konstruksiyon. 

"We’re also encouraging Filipino workers to come home and join the construction industry," ani Castelo.

Dagdag suweldo 

Ipinanukala naman ni Isidro Consunji, tagapamuno ng of Philippine Overseas Construction Board, na dagdagan ang suweldo ng mga construction worker para makahikayat ng mas maraming manggagawa.

Katuwiran ni Consunji, malaki ang gastusin sa pabahay at pamasahe ng mga manggagawang magmumula pa sa mga malalayong lugar.

"The cost of housing in Metro Manila is quite high and the effect of traffic, it prevents people from going back and forth from where they live," ani Consunji.

Tinatayang nasa P200 hanggang P300 ang halaga ng umento sa sahod.

Kinakailangan din kasing angkop umano ang kinikita ng mga manggagawa sa pagsisikap na ibinubuhos nila, lalo na't kadalasa'y mapanganib ang lugar ng kanilang trabaho.

"If the wages are not commensurating the effort involved, then we cannot encourage people to accept training," ani Consunji.

Layunin ng programang "Build, Build, Build" na palakasin ang impraestraktura sa bansa. Ito'y sa pamamagitan ng pagbunsod ng gastusin ng pamahalaan at paggawa ng mga karagdagang trabaho.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.