Meat industry posibleng nalugi ng P55 bilyon dahil sa ASF: grupo

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2019 08:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Aabot na sa P55 bilyon ang posibleng malugi ng meat industry sa pagpasok ng African Swine Fever sa Pilipinas, tantiya ng grupo ng mga meat processor. 

"P55 billion is the potential damage to the industry if the LGU bonds are not rationalized," ani PAMPI spokesperson Rex Agarrado. 

Setyembre 9 nang magpositibo sa ASF ang blood samples ng ilang baboy na bigla umanong namatay sa di pa noong matukoy na sakit. 

Dahilan ito para maghigpit ang mga lokal na pamahalaan sa paglilipat ng mga baboy sa ilang lungsod para maiwasan ang pagkalat ng sakit. 

Lalo namang paiigtingin ang seguridad sa paglilipat at pag-aalaga ng baboy, partikular na sa Pampanga at Bulacan, ayon kay Noel Reyes, tagapagsalita ng DA

Tataasan din ng DA sa P5,000 mula P3,000 ang pondong ibibigay sa mga hog raiser para masigurong hindi itatago ng mga ito ang kanilang mga alaga. 

Pero para sa PAMPI, hindi ito sapat para maibsan ang problema. 

ASF di dahilan para magtaas-presyo: DTI 

Nagbabala ang Department of Trade and Industry na dapat manatiling mababa ang presyo ng pork sa gitna ng pangamba sa African swine fever. 

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, hindi dapat tataas sa P180 kada kilo ang presyo ng baboy. 

Nakarating daw kasi sa kanila na may ilang pamilihang nagbebenta ng karne ng baboy sa halagang P230. 

Aniya "masyadong mahal" na ito. 

Kontrolado na rin naman daw ang presyo ng baboy sa merkado kaya hindi daw dapat itaas ang presyo nito. 

Bubuo ng task force ang DTI at Department of Agriculture para matutukan ang presyuhan ng karne at baboy sa merkado. -- May ulat nina Jasmin Romero at Henry Atuelan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.