'Mandatory 14th-month pay maaaring makasama pa sa ekonomiya'

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2018 09:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinagkakasya ni Jorcel De Lumen ang minimum na sahod bilang gasoline boy sa gastusin ng kaniyang pamilya.

Isa si De Lumen sa mga natuwa sa isinusulong na pagsasabatas ng mandatory na pagbibigay ng mga kompanya sa mga empleyado ng 14th-month pay.

Ayon sa kaniya, malaking tulong ang dagdag-kompensasyon sa mga sumasahod ng minimum wage.

"Mahal na po ang mga bilihin, halos kulang na po sa ano, pamasahe nagtataasan na," sabi ni De Lumen.

Pero ayon sa ilang grupo ng mga negosyante, may negatibong epekto sa negosyo at ekonomiya kapag ginawang mandatory ang 14th-month pay.

"I think it will drive away investment," sabi ni Employers Confederation of the Philippines (ECOP) acting president Sergio Ortiz-Luis. 

"They will close shop or downsize and it would render us uncompetitive," sabi naman ni Management Association of the Philippines vice president Donald Lim.

Paliwanag pa ng mga negosyante, may ilang malalaking kompanya na kayang magbigay kahit hanggang 16th-month bonus.

Pero karamihan daw sa mga negosyo sa Pilipinas ay maliliit na negosyo na hindi kayang magbigay ng 14th-month pay.

"'Pag ginawa nating law ang 14th-month, 99 percent of the, mga negosyo dito sa Pilipinas, karamihan mga SMEs, mga small and medium-enterprise. 'Di ko nakikita na kakayanin nila 'yon," ani Lim.

"Magandang pakinggan pero 'pag sinabi mong it benefits the workers, no, it benefits only a portion of the workers and it's bad for the rest," sabi naman ni Ortiz-Luis.

Dagdag pa ng mga negosyante, malabo raw magbigay ng 14th-month bonus ang karamihan sa mga kompanya, lalo na ang mga maliliit na negosyo.

Sinimulan nang talakayin noong nakaraang linggo sa Kamara ang isang panukalang layong gawing mandatory ang pagbibigay ng 14th-month pay sa mga empleyado ng mga pribadong kompanya.

Sa Senado, nakabinbin pa rin sa komite ang isang panukala na inihain ni Sen. Tito Sotto noon pang 2016 na layon ding gawing mandatory ang pagbibigay ng dagdag-kompensasyon sa mga manggagawa.

Umaasa naman ang grupong Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na maaprubahan ang panukala bago mag-Pasko.

Sa taas daw kasi ng mga bilihin, kulang na ang 13th-month pay ng mga sumasahod na minimum wage, na ngayon ay nasa higit P12,000.

"Hindi na natin makukuha 'yong P12,000 na buo kundi ine-estimate namin nasa P8,000 na lamang ito," ani ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.