Taas-presyo, sahod, pangunahing alalahanin ng mga Pinoy: survey

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2018 05:30 PM | Updated as of Sep 27 2018 09:14 PM

Ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ang pangangailangan ng dagdag na sahod ang mga pangunahing alalahanin ng mga Pinoy, ayon sa pinakahuling Pulse Asia survey. 

Sa "Ulat ng Bayan Survey" na isinagawa ng Pulse Asia mula Setyembre 1 hanggang 7, lumalabas na 63 porsiyento ng mga Pinoy ang naniniwalang dapat agarang solusyonan ng gobyerno ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. 

Laging nangunguna ang inflation, o ang antas ng pagbilis ng presyo ng mga bilihin, sa listahan ng mga pangunahing alalahanin ng mga Pilipino simula pa sa survey noong Hunyo 2017 ng Pulse Asia. Pero naging pinakamalaki ang antas ng pag-aalala rito mula sa 51 porsiyentong naitala noong Hunyo 2018, hanggang sa 63 porsiyento nitong Setyembre.

Nangingibabaw ang isyu ng mga presyo ng bilihin para sa mga Pilipino sa anumang lugar, at ano man ang antas ng kanilang kabuhayan, ayon sa pinakabagong survey. 

Tingin naman ng 50 porsiyentong Pinoy, ayon sa survey, ay dapat nang bigyan ng agarang solusyon ang pangangailangan para sa umento sa sahod ng mga manggagawa. 

Ang iba pang alalahanin na binanggit ng mga Pinoy sa suvey na dapat ayusin ng pamahalaan ay ang pagbabawas sa kahirapan (32 porsiyento), pagbukas ng mas maraming trabaho (30 porsiyento), paglaban sa korapsiyon (26 porsiyento), at pagbabawas ng krimen (23 porsiyento). 

Samantala, nasa 3 porsiyento lang ang nagsasabing dapat tugunan ang charter change. 

Isinagawa ang nasabing survey sa panahon na inanusiyo ng Philippine Statistics Authority na nagtamo ang Pilipinas ng 6.4 porsiyentong inflation rate nitong Agosto, na pinakamataas sa loob ng siyam na taon.

Nasa 1,800 Pinoy ang sumalang sa nasabing survey. 

Pinapili ang mga tinanong sa survey ng tatlong isyu na sa tingin nila ay dapat asikasuhin agad ng gobyerno. 

'Hindi natutulog sa pansitan'

Giit ng Malacañang na “hindi natutulog sa pansitan” si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtugon sa isyu ng inflation. 

Kasunod ng paglabas ng resulta ng survey, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kampante ang Malacañang na maramdaman ang hakbang na ginagawa nila kontra pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

"Hindi po natutulog sa pansitan ang ating Presidente. Ang gobyernong ito ay gobyernong tapang at malasakit," aniya sa isang press briefing.

"Kampante po kami na sisipa po ang epekto nitong mga hakbang na ginawa natin, at makikita natin — at bumababa na naman po dahil ako po talaga namamalengke ‘no. Bumaba na po substantially ang presyo ng bilihin sa palengke ngayon."

Kasama sa mga kautusang ipinalabas ng Palasyo ang pagsigurado sa pagdami ng suplay ng bigas at iba pang agrikultural na produkto sa merkado na hihila pababa sa presyo ng mga bilihin. 

-- May ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.