Taas-presyo ng hotdog, siomai, pinangangambahan

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2018 07:55 PM | Updated as of Sep 19 2018 10:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala ang ilang mga grupo sa posibleng epekto ng pagpapasa sa rice tarrification bill dahil posible umano itong maging dahilan ng pagsipa ng presyo ng mga processed meat tulad ng hotdog, siomai, at luncheon meat. 

Sa ilalim kasi ng rice tariffication bill, aalisin ang mga hadlang sa pag-angkat ng bigas o ang tinatawag na quantitative restrictions para dumami ang suplay ng bigas sa bansa at bumaba ang presyo nito.

Pinayagan ng World Trade Organization (WTO) na alisin ang restrictions pero ang kapalit, ang pag-alis din ng mababang taripa ng processed meat mula sa 5 porsiyento pataas ng 40 porsiyento.

Ayon sa Philippine Association of Meat Processors Incorporation (PAMPI) at Meat Importers and Traders Association (MITA), lubha itong makaaapekto sa mga mamimili.

Ang mga imported na karne kasi ang ginagamit sa mga hotdog, sausage, luncheon meat, at iba pang giniling na karne.
    
"It will go up by about 12 percent to 17 percent depending on the category of the product," ani PAMPI executive director Francisco Buencamino.

[Maaaring tumaas ang mga presyo ng produktong may processed meat mula 12 percent hanggang 17 percent.]

"Mapa-siomai, siopao, lumpia, longganisa, burgers, lahat ng ganon kasama [sa taas-presyo]," ani Jess Cham, presidente ng MITA.
    
Ayon sa mga grupo, nasa P7 hanggang P20 ang puwedeng imahal ng kalahating kilo ng hotdog habang ang mga longganisa at iba pang sausage ay puwedeng tumaas ang presyo nang hanggang P26.

Sagot naman ng Tariff Commission, pag-aaralan pa nila kung totoo nga ang sinasabi ng PAMPI at MITA.

Priority bill ng pamahalaan ang rice tariffication at kung maipasa ay tuloy na ang pagtaas ng taripa sa inaangkat na processed meats.

Wala pa naman itong usad sa Senado matapos pumasa sa Kamara noong Agosto 14.


— Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.