'Buwis sa petrolyo puwedeng alisin muna para taas-presyo di mabigat'

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2019 05:48 PM | Updated as of Sep 18 2019 07:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

DOF di pa irerekomendang suspendihin ang excise tax sa langis 

Iminungkahi ng samahan ng mga independent oil company sa bansa ang pag-alis ng value-added tax (VAT) o excise tax sa petrolyo para hindi gaanong mabigatan ang mga konsumer sa inaasahang taas-presyo kasunod ng pagbomba sa oil facility sa Saudi Arabia.

Pero wala pang nakikitang dahilan ang Department of Finance (DOF) para suspendihin ang buwis sa langis, partikular ang excise tax.

"On the side of the government, baka puwedeng temporarily i-suspend ang VAT sa petrolyo, malaking tulong 'yon. Either that or 'yong excise tax," sabi ni Bong Suntay, tagapamuno ng Independent Philippine Petroleum Companies Association (IPPCA).

Nauna nang inihayag ni Suntay na handa ang IPPCA na utay-utayin ang pagsingil sakaling malaki ang maging taas-presyo sa petrolyo kasunod ng pagbomba sa Saudi Arabia.

Ilan sa mga kompanyang kasapi sa IPPCA ang Cleanfuel, Eastern Petroleum, Filpride, Filoil, Flying V, Seaoil, at Unioil.

Sa unang 2 araw ng kalakalan sa pandaigdigang merkado, P3.05 na ang iminahal ng kada litro ng imported gasoline at P2.20 naman sa kada litro ng diesel.

May 3 araw pa ng trading o kalakalan na maaaring magpababa o magpalobo sa presyo.

Bukas naman ang pamahalaan na suspendihin muna ang excise tax sa petrolyo sakaling lumobo ang presyo ng langis.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kabilang ang pagsuspende sa excise tax sa mga hakbang ng Department of Energy (DOE) pero, gaya ng nakasaad sa batas, kailangan muna umanong umabot sa $80 per barrel sa 3 magkakasunod na buwan ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Tiniyak naman ni Energy Secretary Alfonso Cusi na may sapat na suplay ng langis para sa 30 araw.

Pero ayon kay Finance Undersecretary Karl Chua, walang basehang tanggaling kahit pansamantala ang VAT o excise tax sa petrolyo.

Humupa na raw ang presyo sa pandaigdigang merkado matapos siguruhin ng Saudi Arabia na babalik na sa normal ang kanilang produksiyon.

"'Yong supply bumalik na sa normal according to the news that I read today so if that is the case then wala tayong impact sa ating oil supply and there's no further action needed," ani Chua sa press briefing sa Malacañang.

"We just need to monitor that the supply that's coming from the Middle East is indeed adequate," dagdag ni Chua.

OIL FIRMS DI DAPAT MANAMANTALA

Ayon naman kay Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares, hindi dapat gamitin ng mga kompanya ng langis ang pag-atake sa Saudi Arabia para itaas ang presyo ng petrolyo.

Problema ang kakulangan sa transparency ng mga oil firm dahil hindi alam ng publiko kung tama ang ipinatutupad na dagdag-presyo, ayon kay Colmenares.

Nanawagan din si Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, chairman ng House committee on ways and means, sa mga kompanya ng langis na huwag pagsamantalahan ang pag-atake sa oil facility sa Saudi Arabia.

"'Yong mga oil companies, don't take advantage of the windfall, 'cause some of them are trying to price already their old inventories in the new one," ani Salceda.

UNBUNDLING

Ayon pa kay Colmenares, dapat na ring resolbahin ng korte ang injunction na kinuha ng mga kompanya ng langis laban sa utos ng Department of Energy (DOE) na unbundling.

Sa ilalim ng unbundling, isusumite ng mga oil company sa DOE ang hinimay na presyuhan ng petrolyo.

Pero mariing tinututulan ng mga kompanya ang unbundling dahil may mga impormasyon umanong hindi puwedeng malaman ng mga magkakakompetisyong kompanya.

Nauna nang iginiit ng DOE na para lang sa kanila at hindi ibabahagi sa publiko ang isusumiteng datos ng mga kompanya.

-- Ulat nina Alvin Elchico at Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.