'Taas-presyo sa langis dahil sa Saudi attack puwedeng utay-utayin'

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2019 05:35 PM | Updated as of Sep 17 2019 07:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Bukas ang mga independent oil company na utay-utayin ang inaasahang dagdag-singil sa petrolyo kasunod ng pagbomba sa oil facility sa Saudi Arabia.

Sakaling tumaas nang husto ang presyo ng petrolyo sa susunod na linggo, handa ang ilang oil firm na gawing unti-unti ang pagsingil nito para hindi masakit sa bulsa ng mga konsumer, ayon kay Independent Philippine Petroleum Companies Association (IPPCA) President Bong Suntay.

"Huwag lang sabihin na magbenta kami nang palugi pero kung dadahan-dahanin, I think kakayanin nating gawin iyon," ani Suntay.

Ilan sa mga kompanyang kasapi sa IPPCA ang Cleanfuel, Eastern Petroleum, Filpride, Filoil, Flying V, Seaoil, at Unioil.

Sa unang araw ng kalakaran sa pandaigdigang merkado, sumirit ang presyo ng langis kasunod ng pagsabog sa Saudi Arabia.

Nasa P2.48 hanggang P2.60 ang iminahal ng kada litro ng gasolina, at P1.50 sa kada litro ng diesel at kerosene.

May 4 na araw pa ng trading o pangangalakal na maaaring magpahupa o magpalobo sa presyo.

RESERBANG LANGIS NG GOBYERNO

Pinamamadali naman ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang pagbuo ng "strategic oil reserve" o reserbang langis ng gobyerno na iaangkat ng Philippine National Oil Company-Exploration Corporation (PNOC-EC) bilang pang-emergency sakaling magkaproblema sa suplay at presyo ng langis sa mundo.

"Considering that it is all in the hands of the private sector, the government should not be helpless, dapat mayroon tayong sariling reserve," ani Cusi.

Dati nang may plano ang PNOC-EC na mag-angkat at mag-imbak ng petrolyo para maibenta sana noon nang mas mura sa transport sector pero nagkaproblema sa supplier kaya naantala ang programa.

Nasa P2 bilyon ang pondo sa paunang import na 50,000 metriko tonelada o 60 milyon litro ng diesel.

Pero kailangan daw ng batas para makakuha ng pondo at magtuloy-tuloy ang pag-angkat at pagbenta ng reserbang langis ng bansa.

Naghahanap na rin ng malaking storage ang gobyerno para paglagyan ng reserbang langis.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.