Murang Kuryente law mararamdaman bago matapos ang 2019

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 07:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasunod ng 5 beses na bawas-singil sa kuryente mula Mayo hanggang Setyembre, may isa pang magandang balitang dapat asahan ang mga konsumer.

Bago matapos ang taon, aarangkada na ang Murang Kuryente law, kung saan gagamitin ang P208 bilyon galing Malampaya fund para bayaran ang mga utang ng National Power Corporation (Napocor) na dating ipinasa sa mga konsumer.

Nasa P0.86 kada kilowatt hour (kWh) ang sasaluhin ng Malampaya fund mula sa bayarin ng konsumer.

"'Yong P0.86 mo will translate to a savings of about P172," ani Irene Besido-Garcia, president at chief executive officer ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM).

Pero hindi pa sigurado kung mawawala rin ang kasalukuyang binabayarang P0.09 kada kWh. 

Sa kabuuan, P428.8 bilyon ang utang ng PSALM kaya kulang ang P208 bilyon galing Malampaya fund para bayaran itong lahat.

Pero may maibebenta pa naman daw silang mga asset at kung kulang, hindi na raw ito ipapasa sa lahat ng konsumer.

"We will pass on to the national government both the remaining assets and the liabilities," ani Garcia.

Para sa grupong Bayan Muna, sa papel lang maganda ang Murang Kuryente law dahil dapat daw may managot talaga sa maling desisyon kung bakit lumobo ang utang ng Napocor.

"Parang pinatikim mo lang ng kaunting sarap 'yong mamamayan but eventually pala, ang kapalit nito, paghihirap," ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.

Samantala, namumuro namang magkaroon ng pagtaas sa presyo ng petrolyo sa susunod na linggo.

Base sa unang 3 araw ng kalakaran sa pandaigdigang merkado, P1.44 na ang iminahal ng kada litro ng gasolina, P1.05 sa kada litro ng diesel, at P1.26 sa kada litro ng kerosene.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.