Pag-alis ng VAT, iminungkahi kontra taas-presyo ng bilihin

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2018 10:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inirekomenda ng isang consumer group ang pag-alis sa umano ay patong-patong na buwis sa mga bilihin, lalo at bugbog na umano ang mga mamimili sa mga mahal na presyo.

Kabilang sa mga buwis na nais ipaalis ng grupong United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) ang 12 porsiyentong value-added tax.

"'Yong tinatawag na 12-percent value-added tax, 'yan ay isang nagpapamahal sa bilihin. Tanggalin na muna 'yan," ani UFCC president RJ Javellana.

Umarangkada sa 6.4 porsiyento ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo o iyong tinatawag na inflation para sa buwan ng Agosto, base sa datos na inilabas noong Miyerkoles ng Philippine Statistics Authority (PSA). Iyon ang pinakamabilis na pag-akyat ng inflation rate sa loob ng halos 10 taon. 

Muli namang tumaas ang presyo ng mga tinda sa Mega Q-Mart sa Quezon City, base sa mga nasaksihan ng News team sa pag-iikot.

Nasa P160 na ang presyo ng kada kilo ng manok mula sa dating P140.

May P30 din ang itinaas ng kada kilo ng liempo, na ngayon ay nasa P230 mula sa dating P200 lang.

Umakyat naman sa P340 ang kada kilo ng laman ng baka mula P300.

Tumaas din ang presyo ng sili sa P800 kada kilo mula P300.

Nagtiis naman sa ilang oras na pagpila ang mga mamimili sa Commonwealth Market sa Quezon City para lang makabili ng bigas ng National Food Authority, na limitado na umano ang suplay. --Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.