Inflation noong Agosto, pinakamabagal sa halos 3 taon

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2019 12:04 PM

MAYNILA - Bumagal ang inflation, o ang antas ng taas-presyo ng mga bilihin nitong Agosto sa pinakamababang antas sa loob ng halos tatlong taon. 

Ayon sa Philippine Statistics Authority, nasa 1.7 porsiyento ang inflation noong Agosto, mas mabagal sa 2.4 porsiyento noong Hulyo. 

Ito na ang pinakamababang antas magmula Oktubre 2016, na noo'y nasa 1.8 porsiyento. Mas mabagal rin ang inflation noong Agosto sa 1.8 porsiyentong tantiya ng mga ekonomista. 

Ito na rin ang unang pagkakataon na bumaba ito sa target ng gobyerno sa loob ng 3 taon. 

Pangunahing nakita ng PSA ang pagbagal ng taas ng presyo ng bilihin sa pagkain at non-alcoholic drinks. 

Nakaambag din sa pagbagal ng inflation ang pagbagal ng antas ng taas-presyo sa mga restoran at iba pang kagamitan at serbisyo; gastusin sa bahay, tubig, kuryente, gasolina at iba pang produktong-langis. 

Nasa 1.4 porsiyento ngayon ang inflation sa Metro Manila. Samantala, naitala ang pinakamabilis na antas ng inflation sa Mimaropa, na nasa 4.6 porsiyento. Pinakamabagal naman ang inflation sa Zamboanga Peninsula na nasa 0.5 porsiyento. 

UNDEREMPLOYMENT RATE BAHAGYANG BUMABA

Bahagya namang bumaba ang bilang ng mga underemployed - o ang naghahanap pa ng ibang pagkakakitaan kahit may trabaho dahil hindi sapat ang kita, batay rin sa datos ng PSA. 

Nasa 13.9 porsiyento ngayon ang bilang ng mga underemployed nitong Hulyo 2019, mas mababa sa 17.2 porsiyento na naitala sa parehong panahon noong 2018. 

Samantala, nanatili sa 5.4 porsiyento ang unemployment rate noong Hulyo 2019.

-- May ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.