Presyo ng diesel, may higit P1 dagdag simula Martes

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2018 01:41 PM | Updated as of Sep 03 2018 06:57 PM

Magkakaroon ng higit P1 dagdag sa presyo ng diesel simula Martes, Setyembre 4, 2018, base sa pahayag ng ilang kompanya ng langis.

Bukod dito, magkakaroon din ng dagdag sa presyo ng gasolina at kerosene.

Nasa P1.20 ang dagdag sa kada litro ng diesel at P0.95 naman na dagdag sa kada litro ng gasolina ang ipapataw ng Petro Gazz, Shell, Eastern Petroleum, PTT Philippines, Phoenix Petroleum, Flying V, SEAOIL at TOTAL.

Magpapatupad din ng P0.95 dagdag sa kada litro ng kerosene ang Shell, Flying V, at SEAOIL.

Magiging epektibo ang mga bagong presyo simula alas-6 ng umaga ng Martes.

Bunsod ng pagtaas sa presyo ng petrolyo, sinabi ng mga jeepney driver at operator na kailangan nang taasan din ang pasahe.

Umaasa ang mga driver sa Baguio na madagdagan ng kahit P1 ang minimum na pasahe habang hinihintay nilang maaprubahan ang gusto nilang P14.50 na minimum fare. 

Sa Metro Manila, P2 naman ang hirit na dagdag sa minimum fare. Ibig sabihin, kapag naaprubahan, mula P8 ay tataas ito sa P10. 

Noong Hulyo, inaprubahan ang P1 pansamantalang dagdag sa minimum na pasahe sa mga jeep sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon habang dinidinig pa ang naunang hirit na P10 minimum fare.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.