Bentahan ng baboy humina kasunod ng mga pagkamatay

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2019 08:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Idinaing ngayong Martes ng mga tindera sa ilang pamilihan sa Kamaynilaan ang paghina ng benta ng karneng baboy kasunod ng ulat ng pagtaas ng bilang ng mga namamatay na baboy dahil sa hindi pa matukoy na sakit.

Sa Commonwealth Market sa Quezon City, binabaan ng ilang nagtitinda ng P10 hanggang P20 ang presyo ng kada kilo ng karneng baboy. 

"Kung di kami magbababa, matetengga lang ang baboy," anang tinderong si Ronnie Nunag. 

Sa Muñoz Market, hindi pa rin halos nabawasan noong tanghali ang mga bentang karneng baboy.

"Dati mga ganitong oras, may bago nang katay," anang tindera ng karneng baboy na si Nancy Corvin.

Ibinunyag noong Lunes ni acting Agriculture Secretary William Dar na iniulat ng Bureau of Animal Industry (BAI) na tumaas ang bilang ng mga namamatay na alagang baboy sa maliliit na babuyan.

Inatasan na ni Dar ang BAI na mag-imbestiga sa pagkamatay ng mga baboy.

Nagpaalala naman ang BAI sa mga hog raiser na bawal ibenta ang karne ng baboy na namatay dahil sa sakit.

"Hindi papayagan 'yan na madala sa slaughterhouse para kakatayin tapos ipapakain sa publiko," ani BAI Director Ronnie Domingo.

Ipinayo rin ni Domingo sa mga hog raiser na tiyaking hindi pagmumulan ng virus o bakterya ang kinakain ng mga baboy.

Pinag-ingat din ni Domingo ang publiko na mag-ingat sa karneng binibili.

Dapat daw ay may tatak ang produkto ng National Meat Inspection Service bilang basehan na ligtas kainin ang baboy.

Dapat wala ring amoy ang karne at hindi maputla o maitim.

Dalawang linggo hanggang 3 buwan ang itatagal bago dumating ang resulta ng mga lab exam para matukoy kung ano ang ikinamatay ng mga baboy.

Kinumpirma naman ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Rodriguez, Rizal na 3 barangay na ang isinailalim sa quarantine simula noong Sabado, na nangangahulugang bawal na ang pagpasok at paglabas ng baboy roon.-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.