Tubig mula Angat Dam na laan sa Maynilad, Manila Water posibleng taasan

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2019 07:57 PM | Updated as of Sep 06 2019 04:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng taasan na ang alokasyon ng tubig ng Maynilad at Manila Water galing Angat Dam dahil sa patuloy na pagtaas ng antas ng tubig sa imbakan, ayon sa tagapamuno ng National Water Resources Board (NWRB).

Posibleng itaas sa 38 hanggang 40 cubic meters per second ang alokasyon ng tubig para sa mga water concessionaire, ani NWRB Executive Director Sevillo David.

Pero hindi pa raw ito puwedeng ibalik sa normal na alokasyong 46 cubic meters per second.

Sa ngayon, 99 porsiyento nang naibalik sa normal ang suplay ng tubig sa Manila Water customers at 94 porsiyento naman sa Maynilad bunsod ng patuloy na pagtaas ng antas ng tubig sa Angat Dam.

Suportado rin ng bagong administrador ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang diskarteng tipirin muna ang tubig sa Angat Dam.

Ayon kay MWSS Administrator Emmanuel Salamat, isa raw sa mga utos sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ay tiyaking hindi na mauulit sa susunod na taon ang krisis sa tubig.

May mga programa na raw si Salamat para maging sapat ang suplay ng tubig sa susunod na tag-init.

"We will strategize measures to prevent such occurrences," ani Salamat.

Inumpisahan na rin ni Salamat ang pagrepaso sa concession agreement o kasunduan ng gobyerno sa Maynilad at Manila Water.

Target din ni Salamat na madagdagan ang pinagkukuhanan ng tubig para hindi lang sa Angat Dam umaasa ang mga taga-Metro Manila.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.