'Panama disease' tumama sa mga sagingan sa Davao del Norte

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2019 11:48 PM

Mahigit 300 ektarya ng sagingan sa 9 na barangay ang apektado ng "fusarium wilt" o "Panama disease" sa bayan ng Sto. Tomas na nagdulot ng halos wala ng maani na saging. Claire Cornelio, ABS-CBN News

DAVAO DEL NORTE - Mahigit 300 ektarya ng mga sagingan sa 9 na barangay ang apektado ng "fusarium wilt" o "Panama disease" sa bayan ng Sto. Tomas, Davao del Norte.

Naiulat na ang mga apektadong barangay ay Kimamon, Libertad, Salvacion, Talomo, Mungaog, Kasig-ang, Balagunan, Tibal-og at Kinamayan.

Mahigit 1,000 banana growers ang nalugi dahil dito.

Kabilang sa mga naapektuhan na banana grower ay si Alfredo Zaga ng Brgy. Balagunan. Aniya, sa 15 ektarya na sagingan, halos 12 ektarya nito ay may Panama disease kaya ang dating dalawang beses sa isang linggo na pag-ani ng saging, isang beses na lang ngayon.

Dagdag ni Zaga, mula 800 na bungkos ng saging ngayon ay 110 na lang ang natitira sa sagingan.

"Nahirapan na kami sa pinansyal, nahirapan na kami sa pasweldo sa mga tao, pang-abono, panggastos sa kemikal na magtatagal. Kagaya ngayon, gusto namin magrehab. Wala kaming panggastos," ani Zaga.

Kabilang sa palatandaan na may Panama disease ang isang saging ay kulay dilaw ang pinakamatandang dahon at nahihirapang lumaki ang mga bunga nito.

Ayon sa agricultural office ng lugar, taong 2013 pa nang maalarma ang mga banana grower sa pagdami ng mga naapektuhan ng Panama disease sa bayan.

"Nag-survey kami noon. May mga intervention gaya ng pagbibigay ng similya na saging na cavendish, mga trichoderma at eradication babayaran sila para sunugin ang saging na may sakit," ani Ruben Empanado, isang agricultural technician.

Gumagawa na ng paraan ang lokal na pamahalaan para matulungan ang mga banana growers gaya ng pamimigay ng mga binhi ng mais, at ang paggamit ng trichoderma na isang fungus biocontrol agent na pigilan ang mga soil-borne disease gaya ng Panama disease.