Eroplano ng PAL, sumabog ang gulong sa Dumaguete airport

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2018 09:44 AM | Updated as of Aug 25 2019 03:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Sumabog ang gulong ng eroplano ng Philippine Airlines habang bumabaybay ito sa runway ng Dumaguete airport matapos na makalapag, Martes ng umaga.

"Ang aming Airbus A320, ito po yung Manila-Dumaguete, it safely landed naman. Pero during slowdown into the runway nagkaroon ng tire issue, nagkaroon po ng tire burst," paliwanag ni Cielo Villaluna, tagapagsalita ng Philippine Airlines.

Agad namang nakababa nang maayos ang may 130 na pasahero mula sa eroplano.

"Lahat po ng pasahero ng aming flight PR 2541 na lumapag po ng 6:42, safe po lahat ng mga pasahero," sabi niya sa DZMM.

Dahil dito, nagdeklara na rin umano ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng runway closure habang hindi pa naiaalis ang eroplanong nagkaproblema.

"We are exerting all efforts to remove the disabled aircraft from the Dumaguete runway," dagdag ni Villaluna.

Humingi rin ng pasensiya si Villaluna sa mga pasahero at flights na hindi lamang mula sa Philippine Airlines na apektado ng sitwasyon.

Sa mga pasahero ng PAL, inanunsiyo ni Villaluna na kanselado na ang lahat flights ng Manila-Dumaguete at pabalik.

Ginagawa na umano ng PAL ang lahat para masolusyunan ang problema habang magsasagawa rin ito ng imbestigayon hinggil sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.