Presyo ng diesel may higit P1 bawas simula Martes

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2019 12:36 PM | Updated as of Aug 12 2019 06:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Nag-anunsiyo ang ilang kompanya ng langis na magpapatupad sila ng bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula Martes, Agosto 13.

Nasa P1.10 ang bawas-presyo sa kada litro ng diesel habang P0.50 naman sa kada litro ng gasolina ang ipatutupad ng Total, PTT Philippines, Petro Gazz, Shell, Flying V, Petron, at Caltex.

Tatapyasan din ng Shell, Flying V, Caltex, at Petron ng P1.30 ang presyo ng kada litro ng kerosene.

Nauna nang magpatupad ng bawas-presyo na may mga parehong halaga ang Seaoil at Phoenix Petroleum noong weekend.

Ipinaliwanag ng Unioil na nagkaroon ng rollback dahil sa pagbagsak ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ito ay matapos ianunsiyo ni United States President Donald Trump na dadagdagan ng 10 porsiyentong buwis ang mga produktong galing China simula Setyembre, na sinagot naman daw ng China sa pamamagitan ng hindi pagbili ng agricultural products ng Amerika.

Nakikinabang tayo ngayon sa trade war ng Amerika at China pero posible ring hindi magtagal ang rollback sa petrolyo dahil maaaring bawasan din ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) ang produksiyon ng langis sa Setyembre.

Mula Enero hanggang Agosto 12, P6.69 na ang iminahal ng kada litro ng gasolina, P5.09 sa kada litro ng diesel, at P0.52 sa kada litro ng kerosene.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.