'P1.8-B multa vs Maynilad, Manila Water, MWSS dapat ipamahagi sa konsumer'

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2019 08:00 PM | Updated as of Aug 07 2019 10:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nanawagan ang ilang grupo na ibalik sa mga kostumer ang multang ipinataw ng Korte Suprema sa mga water concessionaire na Manila Water at Maynilad, at regulator na Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

"Kasi ang consumers, sila mismo ang nagkarga ng pagbayad sa Maynilad at Manila Water... na hindi naman naibibigay," ani Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares.

Ayon naman sa grupong Laban Konsyumer, dapat tiyaking hindi ipapasa sa mga konsumer ang multa.

Sa botong 12-0, nagdesisyon ang Korte Suprema na pagmultahin ang mga concessionaire at ang MWSS ng P1.8 bilyon dahil sa paglabag sa Philippine Clean Water Act.

Ito ay matapos mabigo ang Maynilad at Manila Water na gumawa ng sewage lines at sewage treatment facilities na konektado sa mga bahay at establisimyento.

Pinagmulta na noong 2009 ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga concessionaire ng P29.4 milyon pero inilaban ito hanggang sa umabot sa Korte Suprema at lumobo ang multa.

Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, makatutulong ang desisyon ng korte sa rehabilitasyon ng mga waterway.

Wala pang reaksiyon ang MWSS at Manila Water dahil wala pa raw silang kopya ng desisyon ng Supreme Court.

Plano namang iapela ng Maynilad ang desisyon.

Ikinatuwa naman ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza ang desisyon.

Si Atienza ang kalihim ng DENR nang ipataw ang multa noong 2009.

Sana raw ay gawin ng mga water concessionaire ang kanilang obligasyon.

Kahit gaano kalaki ang pondo ng DENR sa paglilinis sa Manila Bay, sayang lang kung walang sewerage system, ayon kay Atienza.

Dekada 90 pa raw naniningil ng 20 porsiyentong environment fee sa mga kostumer ang Maynilad at Manila Water, na dapat ay ginamit sa sewerage system.

"Twenty-two years collected from the consumers, saan napunta ang perang iyan?" ani Atienza.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.