Singil sa kuryente, nagbabadyang tumaas

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2018 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kahit walang pagnipis ng suplay sa kuryente at lumamig na rin ang panahon dahil sa pag-ulan, nagpahayag pa rin ang Meralco ng "posibleng" kaunting galaw sa kanilang singil ngayong Agosto.

Ang problema, may adjustment umano sa presyo ng natural gas na panggatong ng malalaking planta ng kuryente sa Luzon.

"Batay sa initial data, ang tantiya ko is hindi naman aabutin ng double digit level ang magiging taas but it will veer towards a slight adjustment," paliwanag ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga.

Kung matutuloy, ito na ang ikalawang sunod na buwan na may taas-singil ang Meralco. 

Singil sa kuryente ng Meralco:

  • Mayo 2018 → P0.54/kwh pagbaba
  • Hunyo 2018 → P0.12/kwh pagbaba
  • Hulyo 2018 → P0.31/kwh pagtaas

HINAING NG MGA KOOPERATIBA

Kung may nagbabadyang maliit na dagdag-singil ang Meralco, umaalma naman ang electric cooperatives sa lumolobong utang ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), na balak ding ipasa sa lahat ng konsumer sa kalaunan.

Ang PSALM ang inatasan ng batas na pangasiwaan ang lahat ng ari-arian ng estadong may kinalaman sa kuryente at iba pang enerhiya. 

Ayon sa Philippine Rural Electric Cooperatives Association, Inc. (PHILRECA), dapat daw silipin ang libro ng PSALM kung saan napunta ang pera galing sa mga binentang planta at sinisingil sa konsumer na universal charge. 

"Nakapagtataka na hindi lumiliit [ang utang]...Saan ba napupunta ang kinikita ng PSALM sa pagbenta ng power plants?" pagtataka ni Atty. Janeene Colingan, executive director ng PHILRECA.

Nilinaw naman ng PSALM kung bakit mayroon silang P541 bilyon kabuuang utang kasama na ang interes.

Anila, noong 2003 nga raw ay nasa P1.2 trilyon ang utang nila pero ngayon nasa P449 bilyon na lang ito. 

"Hindi po accurate to say that the liabilities are increasing instead of decreasing," giit ni Atty. Irene Joy Besido-Garcia, CEO ng PSALM.

Sa kabuuan, nakakolekta daw ang PSALM ng P68.2 bilyon mula sa mga konsumer, habang P545.2 bilyon ang kinita nila mula sa privatization ng ilang ari-arian.

Ani Garcia, ang iba raw dito ay ipinambayad na sa utang.

"It's not fair at all to say na burden siya sa consumer," aniya.

Sa ngayon, may hirit pang P0.56/kwh na dagdag-singil ang PSALM na ipapasa sa mga konsumer para tuluyang mabayaran lahat ng kanilang utang sa mga susunod taon. —Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.