Income tax exemption para sa public school teachers isinusulong sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2019 03:50 PM

MAYNILA — Isinusulong ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III na ma-exempt sa pagbabayad ng income tax ang mga guro sa mga pampublikong paaralan.

Sa ilalim ng kaniyang Senate Bill 241, wala nang income tax na babayaran ang mga guro na nasa levels 1, 2, 3, o pawang hindi pa umaabot sa P26,000 ang buwanang sahod.

Hindi na rin dapat umanong buwisan ang kanilang holiday pay, hazard pay, at night differential pay.

Ayon kay Sotto, ang income tax exemption ay pagkilala at pagsukli sa paghihirap ng mga guro.

Ang Senate Bill 241 ay bukod pa sa panukala ni Sotto at iba pang mga senador na bigyan ang mga guro ng dagdag-sahod.

Maaalalang nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na itataas ang sahod ng mga guro bago matapos ang taon ngunit hindi pa rin ito natutupad.


—Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.