Deposit sa kuryente, nagagastos ng ilang electric cooperative

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2018 09:30 PM | Updated as of Jul 28 2019 11:58 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ginagamit umano ng mga electric cooperative sa bansa ang binabayarang bill deposit ng mga konsumer, o ang deposito kapag nagpapakabit ng kuryente. 

Kaya gusto ng Energy Regulatory Commission (ERC) na ihiwalay bilang trust fund ng mga electric cooperative ang mga ibinayad na bill deposit. 

"'Yung iba, wala na sa kanilang coffers ang pera ng bill deposits," ani Agnes Devanadera, chairperson ng ERC. 

Ito ang nagsisilbing "stock fund" ng mga customer kapag may panahong hindi sila nakakabayad ng kanilang kuryente. Maihahalintulad ito sa pagbibigay ng advance deposit ng isang tenant sa nirerentahan nitong pasilidad.

Sa isang pag-aaral, nakita ng komisyon na ginagamit ng ilang electric cooperative ang bill deposit na ibinabayad ng kanilang mga customer. 

Karamihan sa 121 electric cooperatives sa buong bansa ang naniningil ng average na katumbas ng isang buwang konsumo bilang bill deposit. 

Inamin ng Philippine Rural Electric Cooperative Association na nagagamit nga ang mga bill deposit kapag may emergency. 

"Immediately nare-replenish siya pero in cases of emergencies nahuhugot siya," paliwanag ng executive director nito na si Atty. Janeene Colingan.

Anila, dapat nagsisilbi lamang na trust fund ang bill deposit.

"Di dapat angkinin ng mga electric cooperative na parang pondo nila kundi hahawakan lamang nila in trust for the consumers," ayon kay Devanadera. 

Pinag-aaralan din kung paiiksiin ang panahon bago makuha ng mga konsumer ang kanilang bill deposit refund. 

Ngunit hindi pa ito maisasagawa dahil out of office ang lahat ng mga commissioner ni Devanadera. 

Matatandaang nasangkot ang 4 na commissioner ng ERC dahil sa anomalya sa bill deposits. 

Nagretiro sina Alfredo Non at Gloria Victoria Yap-Taruc noong Hulyo 10 habang suspendido sina Josefina Patricia Asirit at Geronimo Sta. Ana. 

--Ulat ni Alvin Echico, ABS-CBN News. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.