Tubig na laan sa Maynilad, Manila Water di pa rin dadagdagan

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 08:40 PM | Updated as of Sep 06 2019 04:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi pa rin dadagdagan ang alokasyon ng tubig ng 2 concessionaire kahit unti-unti nang tumataas ang antas ng tubig sa Angat Dam, sabi ng National Water Resources Board (NWRB).

Ayon sa NWRB, ipapako muna sa 36 cubic meters per second ang alokasiyon ng Maynilad at Manila Water hanggang hindi umabot sa 180 metro ang water level sa Angat Dam, na ngayo'y nasa 161 metro pa lang.

Maging ang water pressure ng mga concessionaire ay ipapako sa 7 pounds per square inch (psi) hanggang walang naitatayong bagong mapagkukuhanan ng tubig.

"At least mayroon silang steady na supply kahit na nasa ground floor level rather than walang tubig at all," ani Manila Water Spokesperson Jeric Sevilla.

"Hindi naman ibig sabihin noon 100 percent ng customers namin, 7 psi lang makukuha," ani Ronald Padua, head ng water supply operations sa Maynilad.

Ayon sa Manila Water, 99.8 porsiyento na ng kanilang mga kostumer ang may tubig ng 24 oras.

Nabawasan na raw kasi ang demand, humina ang pressure, at gumagana ang ilang programa para sa tubig.

Nadagdagan na rin umano ang water level ng kanilang imbakang La Mesa Dam.

"'Yong La Mesa, fortunately because of the rains, steadily naman tumataas siya," ani Sevilla.

"Hindi natin siya fully niyu-utilize because gusto natin pataasin pa ang [water] level," dagdag ni Sevilla.

Mas may problema naman umano ang Maynilad dahil umaasa lang sila sa water supply galing Angat at Ipo Dam.

Nasa 88 porsiyento ng kostumer ng Maynilad ang may 24 oras na tubig.

Umaasa ang 2 concessionaire na mapuno ang Angat Dam sa Disyembre dahil kung hindi, problema ang dulot nito sa tag-init sa susunod na taon.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.