Reklamo vs kadudadudang electricity bills lumobo sa 250,000: ERC

Alvin Elchico, ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2020 08:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Lalo pang dumami ang natanggap na reklamo ng 
Energy Regulatory Commission (ERC) dahil sa paglobo ng bayarin sa kuryente.

Sa huling tala ng komisyon nitong Huwebes, sumipa na sa 250,000 ang bilang ng complaints na kanilang natanggap. 

"Di matugunan lahat kaya tumutulong na kami sa consumer affairs division namin para magkaroon ng dagdag na tao," ani ERC spokesperson Rexie Baldo-Digal.

Umaasa ang Department of Energy na tuparin sana ng Meralco ang ipinangako nilang aksyon sa hearing sa Kamara kaugnay sa alingasngas dahil sa mga lumobong bills.

"Kailangang maintindihan ng consumer bakit lumobo. Di po pinapayagan ni Secretary Cusi na maging dehado ang mga consumers," ani DOE undersecretary Wimpy Fuentebella. 

Nasa 4.1 milyon konsumer na ang nakatanggap ng nakalilitong May bill ang sinulatan ng kompanya pero di alam ng Meralco kung ilan dito ang eligible o puwedeng mag-refund.

"We are still determining kung ilan yan. Pero definitely puwedeng i-installment, since nabasa na ang real consumption nung June," ani Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco. 

Samantala, humihingi ng tulong sa Commission on Audit ang ERC para i-audit ang mga nakaraang refund ng Meralco na aabot sa mahigit P50 bilyon.

"Gusto lang namin may mag-check or mag-verify kasi di kaya ng aming present [manpower] 'yung magkaroon ng ganitong gawain, nakiusap kami sa ating state auditor," ani Baldo-Digal.

Gusto kasi ng ERC na gawan ng batas para maibalik sa benepisyo ng konsumer ang mga "unclaimed refund" na aabot din sa mahigit P2 bilyon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.