Pangamba ng transport groups: May taas-presyo ba sa dagdag-biodiesel?

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2019 08:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tutol ang mga transport group na dagdagan ang porsiyento ng "biodiesel" sa ibinebentang diesel sa mga gasolinahan dahil may kaakibat umano itong taas-presyo.

Ayon kay Pasang Masda president Roberto "Ka Obet" Martin, dagdag-pahirap lamang ang mungkahing dagdag-biodiesel para sa mga tsuper.

"Nag-overstock sila ng biodiesel, gusto idagdag na naman sa 'min. Tama na iyon, tama na ang 2 percent," ani Martin.

Nasa 2 porsiyento ang sangkap na biodiesel ng kasalukuyang diesel sa mga gasolinahan.

Tingin naman ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap) president Zenaida Maranan ay mauuwi sa dagdag-pasahe ang pagtaas sa biodiesel content.

"'Pag dumagdag ang presyo ng krudo, heto na naman, magkakaroon na tayo ng trigger na tataas ang pamasahe," ani Maranan.

Maging ang Department of Energy (DOE) ay pinag-aaralan pa lang ang isyu.

"Definitely, we have to study ano 'yong magiging impact sa cost," ani Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau sa ilalim ng DOE.

Mula sa 2 porsiyentong sangkap na biodiesel ng kasalukuyang diesel, nais ng mga taga-industriya na itaas ito kahit 3 porsiyento hanggang sa umabot sa 5 porsiyento sa 2021.

Lalo raw kasing lilinis ang bugang usok ng mga sasakyan.

Nasa P0.12 ang inaasahang taas-presyo sa diesel kapag nadagdagan ng isang porsiyento ang biodiesel content habang P0.37 naman kung 5 porsiyento.

"Doon sa mileage gain naman na ibibigay sa 'yo saka iyong linis ng kalikasan, unquantifiable 'yan eh," ani Asian Institute of Petroleum Studies president Rafael Diaz.

Hindi rin daw kailangan baguhin ang makina ng sasakyan kahit itaas ang porsiyento ng biodiesel.

Ayon pa sa mga biodiesel manufacturer ay napag-iwanan na ang Pilipinas dahil ang mga karatig-bansa ay mas malaki ang biodiesel content.

Nasa 30 porsiyento ang biodiesel content ng diesel sa Indonesia, 10 porsiyento sa Malaysia, at 7 porsiyento sa Thailand.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.