Presyo ng produktong petrolyo muling tataas ngayong Martes

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2019 10:03 AM | Updated as of Jul 15 2019 07:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) -- Nag-anunsiyo ang ilang kompanya ng langis ng taas-presyo sa kanilang mga produkto, na magiging epektibo sa Martes, Hunyo 16.

Nasa P1.05 ang taas-presyo sa kada litro ng gasolina habang P0.70 naman sa kada litro ng diesel ang ipatutupad ng Shell, Petro Gazz, Seaoil, Phoenix Petroleum, Caltex, PTT Philippines, Flying V, Eastern Petroleum, at Petron.

Magpapatupad din ang Shell, Seaoil, Caltex, Flying V, at Petron ng P0.70 taas-presyo sa kada litro ng kerosene.

Ito ang ikalimang sunod na linggong nagkaroon ng taas-presyo sa gasolina habang pang-apat naman sa diesel at kerosene.

Kung susumahin mula Hunyo 18 hanggang Hulyo 16, P3.15 na ang iminahal ng kada litro ng gasolina, at P2.40 sa kada litro ng diesel at kerosene.

Ayon sa grupong Laban Konsyumer, kung ipatutupad lang ang paghimay ng presyo o "fuel price unbundling," mas mauunawaan ng mga motorista ang galaw ng presyo.

Itinigil muna ang pagpapatupad ng utos na unbundling ng Department of Energy (DOE) dahil 2 korte na ang naglabas ng temporaryo restraining order laban dito.

Sa ilalim ng kinekuwestiyong utos, inoobliga ang mga kompanya ng langis na himayin ang "price components" ng petrolyo, kabilang ang kita ng kompanya.

Isusumite ito sa DOE pero hindi naman ibabahagi sa publiko.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.