ALAMIN: Sino-sino ang maaaring mag-avail ng bill refund ng Meralco?

ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2020 07:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umarangkada na ang refund ng Meralco sa mga customer na siningil at nagbayad ng kanilang "estimated bills" noong Abril at Mayo - o ang kanilang bill habang naka-loackdown. 

Paliwanag ng Meralco, dapat daw kasi hindi siningil ng kompanya ang mga konsyumer dahil nakalagay sa mga patakaran na uutay-utayin sa apat o anim na bagsak ang bayarin ng kuryente habang lockdown. 

"Kung binayaran niyo po ng buo ang 2 buwan pero kayo po ay entitled doon sa 4 months installment, dapat po ang kukunin lang po sa inyo yung one-fourth so kung sumobra po ‘yung amount doon sa equivalent na one-fourth ng dapat nyong bayaran, ‘yan po ang ibabalik sa inyo," ani Rexie Baldo-Digal, tagapagsalita ng ERC. 

Isa sa mga sakop ng refund ang konsyumer na si Leo Acabal. 

Makakatanggap raw aniya siya ng tseke sa susunod na linggo. 

"May pangangailangan din po ng pera, andaming bayarin na dumating, eh kung puwede naman palang installment, eh 'di installment ko na lang po para magastos ang pera sa ibang paglalagyan," ani Lacabal na may mahigit P5,000 refund na inaasahan. 

Sakop din ng refund ang mga nagbayad online o nagsagawa ng auto-debit arrangement para sa kanilang mga bill. 

Bukod dito, obligado rin ang Meralco na aksyunan ang mga reklamo ng mga kustomer lalo na iyong triple o higit pa ang singil. 

"Kung may actual reading na po, hindi pa rin po kayo kuntento sa nagawang paliwanag kahit doon sa magiging personal na sulat, kayo po ay maaari pa ring magreklamo at ipapaliwanag sa meralco paano po na arrive at ang kilowatthour consumption” ani Digal. 

Sa ngayon, kakaunti pa lang ang mga nagre-refund at marami ang kustomer na nagrereklamo kung bakit lumobo ang kanilang mga bayarin. 

Hiniwalay na rin ng Meralco ang pila ng mga magbabayad lang at ang mga may kuwestiyon sa lumobong bill.  — Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.