Travel agencies walang kita sa limitadong pagbabalik-operasyon: grupo

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2020 06:03 PM | Updated as of Jul 04 2020 07:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ngayong limitado pa rin ang kanilang mga operasyon, humihiling ng ayuda ang grupo ng mga travel agencies ngayong wala pa rin silang kita dahil sa epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa sektor ng turismo. 

Ayon kay Michelle Victoria, Vice Chairperson ng Philippine Travel Agencies Association, tanging ang inaasikaso lang nila ngayon ang pag-refund ng fees na ibinayad na sa mga hotel, airline, at tour operators nang makansela ang leisure travel ngayong may pandemya. 

Dagdag-gastos lang daw kung magbubukas sila ng opisina, pero wala naman silang kita. 

“Sa mga kliente namin, don’t worry, magre-refund kami… Kahit sarado ang opisina… Puwede nila kaming tawagan... 'Yun nga lang marami sa amin walang-wala rin,” ani Victoria. 

Maaalalang iniutos ng coronavirus task force ng bansa ang pagpayag sa pagbukas ng travel agencies na nasa ilalim ng general community quarantine. 

Limitado pa rin ang maaaring gawin ng travel agencies gaya ng pagre-refund ng mga kanseladong flight at tour ngayong nililimitahan ang paggalaw ng tao para makaiwas sa pagkalat ng virus. 

Panawagan din ng grupo na tulungan silang maningil sa kanilang suppliers. Humihingi rin anila sila ng ayuda para makapagsimula muli sa maliliit na negosyo. 

Ayon sa Department of Tourism, may inaasahang pondo mula sa “Bayanihan to Recover as One” Act. 

“We want to help promotions… Expecting P10 billion to assist the tourism sector… Travel agencies were also included in the Small Business Wage Subsidy program by the DOF, BIR and SSS,” ani Tourism chief Bernadette Romulo-Puyat. 

Dagdag pa ni Trade Undersecretary Ruth Castelo, hindi nila pipiliting magbukas ng opisina ang travel agencies kung kaya naman nila itong gawin online o sa sistemang work from home. 

Tutulong din daw ang DTI sa sektor ng turismo. 

“We will help promote local tourist spots. Travel local, buy local, eat local. Kasi kailangang-kailangan ito ngayon,” ani Castelo. 

Tantiya ng grupo ng travel agencies aabutin pa ng isang taon bago makapag-operate uli ang kanilang mga negosyo. 

Sana lang daw ay kasama rin sila sa muling pagbangon ng industriya ng turismo. — Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.