Dagdag-singil sa kuryente sa Hulyo nagbabadya

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2019 07:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabadyang tumaas ang singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) sa paparating na July bill dahil umano sa serye ng pagnipis ng reserbang kuryente sa Luzon.

Pasok umano sa nasabing billing period ang 11 beses na pagsasailalim sa yellow alert at 5 beses na pagsasailalim sa red alert ng Luzon grid.

Pero puwede pang mahila pababa ang power rates dahil sa paglakas ng piso kontra dolyar. 

"Mas maraming factors that indicate that there may be an upward adjustment... 'yong series ng red and yellow alerts, 'yong capacity of outage, plus 'yong higher demand," ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

Kahit bumaba ang overall rate, puwede ring mas malaki ang bayarin ng isang konsumer kung tumaas ang konsumo niya sa kuryente.

"Kahit bumaba iyong presyo, 'yong kuryente, kung malaki naman ang itinaas ng konsumo, maaari pa ring tumaas 'yong total bill ng household," ani Meralco utility economics head Larry Fernandez.

Naitala ang pinakamataas na konsumo sa buong Luzon ngayong taon noong Hunyo 21 dahil sa tindi ng init ng panahon.

Noong nakaraang taon, Mayo naitala ang pinakamatinding konsumo sa kuryente.

Sa Lunes iaanunsiyo ng Meralco ang pagbabago sa singil sa kuryente para sa Hulyo.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.