DTI nagbigay ng babala sa J&T kaugnay ng 'cargo mishandling'

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 10:55 PM

MAYNILA - Tiniyak ng Department of Trade and Industry nitong Huwebes na tinutugunan na nito ang mga reklamo ng customers ng J&T Express na nakatanggap ng mga produktong sira na o may problema na.

Ito ay matapos mag-viral ang video ng tila hindi pagiging maingat ng mga pahinante ng J&T sa paghawak at pagproseso sa cargo packages.

“Well, inisyuhan namin sila ng warning. Actually, ang mangyayari ho dito kasi, iyong mga ginawa nilang iyon, ang epekto nito ay iyong doon sa customer nila. So, iyong mga consumer complaints na dumating ho sa DTI iyon po iyong inaksiyunan ng DTI,” ani Trade Secretary Ramon Lopez.

Matatandaang nitong Martes ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ng mga awtoridad ang mga reklamo laban sa J&T.

Ani Lopez, malaking bagay din ang pahayag na ito ng Pangulo sa pagpapanagot sa logistics company sakaling mapatunayang mayroong silang kapabayaan kaya’t dumadating na sira na o may problema na ang mga produkto sa consumers.

Watch more in iWant or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.